December 13, 2025

Home BALITA Metro

'Paralisado ang NCR!' MANIBELA, sinabing walang pasada dahil sa 'kayabangan' ng DOTr, LTFRB, LTO

'Paralisado ang NCR!' MANIBELA, sinabing walang pasada dahil sa 'kayabangan' ng DOTr, LTFRB, LTO
Photo courtesy: MANIBELA/FB, MB via Balita


Maanghang ang mga pahayag na ibinahagi ng transport group na MANIBELA kaugnay sa kanilang isinasagawang transport strike mula Disyembre 9 hanggang 11.

Sa ibinahaging social media posts ng MANIBELA nitong Martes, Disyembre 9, mababasang “kayabangan” umano ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa transportasyon ang dahilan kung bakit walang pasada ang mga jeepney ngayon.

“Minamaliit ang mga Jeepney pero ito lang ang inaasahan ng mga masang publiko na abot kaya pero ipinagkakait ng pamahalaan!” panimula ng MANIBELA.

“Walang Bumiyaheng Jeep Paralisado ang NCR!! Dulot ito ng pagmamalabis sa kayabangan ng DOTR, LTFRB at LTO pero kulang sa malasakit at pag intindi sa mamamayang Pilipino partikular sa mga mananakay na mga manggagawa at mga estudyante,” saad pa nila.

Kalakip ng naturang pahayag ang mga litrato at video na nagpapakita ng sitwasyon sa mga lugar na apektado ng nasabing tigil-pasada.

Photo courtesy: MANIBELA/FB

Matatandaang kamakailan, nanawagan ang Palasyo hinggil sa iraratsadang kilos-protesta ng MANIBELA na tatagal sa loob ng tatlong araw.

“Tayo na rin po ang mananawagan sa grupo ng MANIBELA, alam naman po natin Christmas season, baka naman po puwedeng ipamasko n’yo na. Mapag-usapan kung ano man po ‘yong mga hinaing nila. Pag-usapan para maresolba agad,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing kamakailan.

MAKI-BALITA: 'Pamasko n'yo na!' Palasyo, nanawagan sa Manibela pag-usapan, 'wag pahabain tigil-pasada-Balita

Giit naman ng MANIBELA, tuloy ang protesta sapagkat matagal na umano silang sinasaktan ng bulok na sistema.

“Tuloy ang 3-Day Transport Strike mula December 9–11. Hindi dahil gusto namin, kundi dahil matagal na kaming sinasaktan ng sistemang bulok. Dinidrible-drible lang kami,” saad ni Valbuena sa kaniyang post.

MAKI-BALITA: 'Matagal na kaming sinasaktan ng sistemang bulok! MANIBELA, nanindigang tuloy 3-day transport strike-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA