Naglabas ng pahayag si National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee matapos kuwestiyunin ng publiko ang selection process sa ikakasa niyang screenwriting workshop.
Lumalabas kasi na tila karamihan umano sa mga natanggap sa dalawang batch workshop ay may pangalan at kilala na sa industriya.
Kaya sa latest Facebook post ni Ricky nitong Martes, Disyembre 9, sinabi niyang nilinaw nila sa selection committee ang pamimili ng aplikante. Kinakailangan pantay-pantay umano ang karapatan ng lahat—mapa-celebrity man, baguhan, o datihan.
“Basta qualified, gustong makapagsulat, at angkop sa gagawing mix ng bawat batch. Kasama rin sa batayan ng application ay ang malikhaing pagsagot nila sa questions (na kasama sa criteria) na naging batayan din,” saad ni Ricky.
Dagdag pa niya, “Binuksan sa lahat ang application upang bukod sa mga taga-industriya at mga kakilala na ay makapagpasok ng mga baguhang nagsisimula pa lang mangarap.”
Ayon sa National Artist, hindi umano magandang ideya na maging homogenous ang set up ng workshop o pagsama-samahin ang pare-parehong baguhan at pare-parehong datihan.
“Lahat ito, in the belief na mas inclusive ang ganitong sistema,” aniya.
Apat na dekada nang ginagawa ni Ricky ang pagbibigay ng libreng writing workshop sa lahat ng mga gustong magsulat. Kaya naman napatunayan niyang higit na epektibo ang sistema ng mixing sa bawat batch.
Gayunman, sa kabila ng nangyari, sinabi ng National Artist na nakikinig siya at natututo sa lumilitaw na diskurso kaugnay sa kaliwa’t kanang kritisismo sa workshop niya matapos mailabas ang resulta nito.