December 12, 2025

Home BALITA National

'May sapat na ebidensya!' DOJ, aprub sa kaso laban kay Atong Ang, iba pa dahil sa lost sabungeros

'May sapat na ebidensya!' DOJ, aprub sa kaso laban kay Atong Ang, iba pa dahil sa lost sabungeros
Photo courtesy: via MB

May sapat umanong paunang ebidensya o "prima facie evidence" na nakita ang Department of Justice (DOJ) upang isampa sa korte ang mga kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention laban sa negosyanteng si Charlie "Atong’ Ang" at iba pang mga personalidad na umano'y may kaugnay sa misteryosong pagkawala at pagdukot sa mga sabungero mula taong 2021 hanggang 2022.

Ibinahagi sa Facebook post ng DOJ ang press statement kaugnay nito, Martes, Disyembre 9.

"DOJ finds Prima Facie Evidence with Reasonable Certainty of Conviction to Charge Charlie Tiu Hay Ang @ Atong Ang and 21 other Respondents with Kidnapping With Homicide and/or Kidnapping With Serious Illegal Detention," mababasa sa caption.

Mababasa sa pahayag na nakitaan ng panel of prosecutors ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction to indict para sa 10 counts of kidnapping with homicide si Ang at iba pang mga personalidad, gayundin sa kidnapping with serious illegal detention; sa kabuuan, aabot sa 26 ang maaaring kasuhan sa korte para sa trial.

National

COA: 69% ng kulungan sa bansa, siksikan na!

Tungkol naman sa iba pang mga respondent, ang mga kaso ay ibinasura nang walang paglabag sa karapatang muling maghain ng reklamo sa DOJ, sakaling may lumitaw na mga ebidensiyang direktang mag-uugnay sa kanila sa mga gawaing ilegal na pagkakakulong.

Matatandaang sa salaysay ng saksing si Julie "Dondon" Patidongan, dating security chief sa ilang mga sabungan na pagmamay-ari ni Ang, tinukoy niya ang negosyante at iba pang personalidad bilang umano’y nasa likod ng serye ng pagdukot sa mga sabungero. Ayon pa kay Patidongan, mahigit 100 katao umano ang pinatay matapos dukutin, at umano'y ipatapon sa lawa ng Bulkang Taal ang mga bangkay.

Gayunman, mariing itinanggi ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya. Iginiit ng negosyante na wala siyang kinalaman sa pagkawala at pagpatay sa mga sabungero at tinawag niyang kasinungalingan ang mga ibinibintang sa kaniya.

Noong Agosto, nagsampa ng reklamo ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero laban kay Ang at 60 iba pa sa iba’t ibang kaso, kabilang ang multiple murder, serious illegal detention, at iba pang mabibigat na krimen.

Samantala, noong Oktubre, ibinasura ng Office of the City Prosecutor of Mandaluyong ang kasong extortion na inihain ni Ang laban kina Patidongan at isa pang whistleblower na si Alan Bantiles. Ayon sa piskalya, kulang umano sa mahahalagang detalye at sapat na ebidensya ang reklamo ng negosyante.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Ang hinggil sa inilabas na press statement ng DOJ.

Kaugnay na Balita: DOJ, naglabas ng subpoena kina Atong Ang, Gretchen Barretto at iba pa

Kaugnay na Balita: 34 nawawalang sabungero, ilang drug lords, itinumba at inilibing sa Taal Lake

Kaugnay na Balita: Atong Ang, Gretchen Barretto, kinaladkad sa isyu ng mga nawawalang sabungero