December 11, 2025

Home FEATURES

KILALANIN: Si Mandy Romero, ang ‘Youngest Appointed Asst. Secretary’ sa bansa

KILALANIN: Si Mandy Romero, ang ‘Youngest Appointed Asst. Secretary’ sa bansa
Photo courtesy: Department of Energy Philippines (FB), MB

Kamakailan ay nakilala bilang “youngest executive” sa bansa ang isang 25-anyos na solar energy entrepreneur at policy advocate na si Mandy Romero, matapos siyang italaga bilang Assistant Secretary ng Department of Energy (DOE). 

Ang panunumpa ni Romero sa DOE na pinangunahan ni Energy Sec. Sharon S. Garin, noong Martes, Disyembre 2, ay kinakitaan ng pag-usad ng bansa sa paggamit ng enerhiyang hindi makasisira sa kalikasan bilang solusyon sa climate change, pagsuporta sa energy security, at pagpapayabong ng ekonomiya. 

Mula sa kaniyang mga gawaing pang-komunidad, pangunguna sa mga organisasyon, at paggamit ng social media sa kaniyang adbokasiya para sa pananagutan at solusyon, isang malaking karangalan para kay Romero ang maitalaga sa ahensya para mapagsilbihan ang taong-bayan. 

“Serving our country is the greatest honor of my life. I’m inspired to work alongside the dedicated and passionate public servants of the DOE,” ani Romero sa kaniyang pagkakatalaga. 

Human-Interest

ALAMIN: Bagong video games na gawa ng Pinoy Gen Zs

Sino si Mandy Romero bago siya maitalaga sa DOE? 

Si Romero ay nakapagtapos bilang magna cum laude sa Georgetown University, sa degree na Health Care Management and Policy, minor in Justice and Peace Studies.

Ayon sa ilan niyang panayam, kinuha niya ang degree na ito mula sa naging pakikisalamuha niya sa mga bata sa Payatas simula siyam na gulang pa lamang siya. 

Mula rito, nagkaroon daw siya ng puso sa paglilingkod sa mga Pinoy para sa ikabubuti nila at ng bansa. 

Nailathala rin na sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, nakipagtulungan si Romero sa ilang organisasyon at komunidad para magkaroon ng mental health workshops para sa jeepney drivers at mga magsasaka na nawalan ng trabaho. 

Kasama rin sa naging inisyatiba ni Romero ang pagkakaroon ng relief operations para sa mga nabiktima ng bagyong Ulysses. 

Naging official youth representative rin si Romero sa ika-68 Session of the Commission on the Status of Women ng United Nations (UN), kung saan, naibahagi niya ang kaniyang adbokasiya sa edukasyon, kahirapan, kuryente sa mga probinsya, at food security. 

Si Romero ay founder din ng Captil1 Solar Energy, na isang kompanya na bumubuo ng solar power plants para sa buong bansa, sa layong mag-promote ng malinis at sustainable na enerhiya. 

Bukod sa mga adbokasiya at negosyo, si Romero ay isa ring sports enthusiast. 

Ang kanilang team na Capital1 Power Spikers ay kasalukuyang lumalaban sa Premier Volleyball League (PVL). 

Naibahagi rin ni Romero sa media na naging parte rin siya Philippine Muay Thai national team, at dahil na rin sports-oriented ang kaniyang pamilya, natuto siyang maging competitive at devoted sa sports. 

Sean Antonio/BALITA