December 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'First to stop, first to go!' Carlo Aquino, may naisip sa ikagiginhawa ng traffic

'First to stop, first to go!' Carlo Aquino, may naisip sa ikagiginhawa ng traffic
Photo courtesy: Carlo Aquino (IG)/via MB

Nagbigay ng tila suhestyon ang aktor na si Carlo Aquino kung paano maiibsan ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko sa bansa, sa pamamagitan ng kaniyang Instagram story.

Mababasa sa kaniyang post, sa tingin niya, malaking ginhawa para sa lahat kung magkakaroon ng "First stop, First Go" concept ang mga Pilipino pagdating sa trapiko.

"Malaki igiginhawa ng traffic kung merong 'first to stop, first to go' concept ang [Pinoy]," aniya.

Photo courtesy: Screenshot from Carlo Aquino/IG

Tsika at Intriga

Kim Chiu, Paulo Avelino nagsasama na sa iisang bubong?

Hindi naman binanggit ni Carlo ang dahilan kung bakit "napahugot" siya tungkol sa trapiko.

Pero isa sa mga suliraning kinahaharap ng mga Pilipino sa bansa, ay problema sa mabigat na daloy ng trapiko sa ilang mga pangunahing kalsada.

Ang “first to stop, first to go” concept sa trapiko ay isang prinsipyo ng pagiging patas at maayos na daloy ng sasakyan sa mga sangandaan (intersections) na walang traffic light o traffic enforcer.

Ibig sabihin nito, kung sino ang sasakyang unang huminto, siya rin ang may karapatang unang umandar at tumawid. Sa ganitong paraan, naiiwasan ang sabay-sabay na pag-andar ng mga sasakyan na maaaring magdulot ng banggaan.

Halimbawa, kung may dalawang o higit pang sasakyang dumating sa isang kanto, ang naunang dumating at huminto ang siyang unang padadaanin.

Layunin ng prinsipyong ito na mapanatili ang kaayusan sa daloy ng trapiko, maiwasan ang kalituhan at ang mga aksidente, at maturuan ang mga motorista ng disiplina at paggalang sa karapatan ng iba sa daan.

Bakit hindi ito kadalasang nasusunod sa Pilipinas?

Maraming puwedeng dahilan kung bakit hindi nasusunod ang sinabi ni Carlo pagdating sa mga kalsada o lansangan sa Pilipinas.

Una, maraming motorista ang hindi sanay o hindi talaga tinuruan nang maayos ng “first to stop, first to go” rule. Bagama’t bahagi ito ng driving principles, mas nangingibabaw sa aktuwal na sitwasyon ang diskarte, tapang, at unahan kaysa sa pormal na patakaran.

Ikalawa, puwedeng dahil na rin sa mahina ang enforcement. Dahil madalas ay walang traffic enforcer sa mga maliliit na intersection, walang agarang nagpapatupad ng kaayusan. Kapag walang bantay, mas maraming motorista ang sumusugal sa singitan kaysa sa paghinto at pagbigay. Pero sana, kahit walang enforcer, ginagawa pa rin tama?

Ikatlo, malubha ang trapiko sa maraming lugar kaya nagkakaroon ng “survival driving” mentality; ang paniniwalang kapag nagbigay ka, baka hindi ka na makasingit ulit. Dahil dito, mas pinipiling ipilit ang daan kaysa sumunod sa tamang unahan. Tinatawag pa ngang "kamote driver" ang mga ganitong motorista.

Ikaapat, halo-halo ang uri ng gumagamit ng kalsada; may kotse, motorsiklo, tricycle, jeep, bisikleta, bus, truck, na kadalasan ay may magkakaibang estilo ng pagmamaneho at disiplina, kaya nagiging magulo ang pagsunod sa iisang patakaran.

At panghuli, mahina rin ang kultura ng road courtesy. Sa halip na “unahan ang nauna,” madalas ang umiiral ay “kung sino ang mas makapal ang mukha, siya ang mauuna.” Kadalasan, pinagmumulan pa ito ng isa pang problema, ang tinatawag na "road rage" kung saan nagkakasakitan o mas malala, nauuwi pa sa patayan ang simpleng 'di pagkakaunawaan sa kalsada.