December 13, 2025

Home BALITA National

'Bagsak ekonomiya ng Pilipinas dahil sa anomalya ng flood control!'—World Bank

'Bagsak ekonomiya ng Pilipinas dahil sa anomalya ng flood control!'—World Bank
Photo courtesy: via MB

Bagsak ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas mula 5.7% noong 2024 tungo sa 5.1% ngayong 2025, ayon sa pinakahuling Economic Update ng World Bank.

Isa sa mga pangunahing dahilan na tinukoy sa ulat ay ang negatibong epekto ng flood control scandal at umano’y malawakang anomalya at katiwalian sa mga proyekto laban sa pagbaha.

Ayon sa inilabas na news release ng World Bank, kinakailangang agarang tugunan ng pamahalaan ang mga iregularidad sa flood control projects upang maiwasan ang tuluyang pagsadsad ng ekonomiya.

Binanggit sa mga ulat na ang kakulangan sa maayos na imprastraktura laban sa baha ay nagdudulot ng pagkaantala sa mga proyekto, pagkalugi ng negosyo, at paghina ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Bukod dito, nakapagtala rin ang World Bank ng pagbaba sa halaga ng foreign direct investments (FDI) gayundin sa gastos ng pamahalaan sa public infrastructure.

Ayon sa ulat, malaki rin ang naging epekto ng mga bagyo at malawakang pagbaha na nagdulot ng pagkaantala sa mga proyekto at operasyon ng negosyo.

Isa rin sa mga ikinababahala ng World Bank ay ang pagbaba ng bilang ng mga turistang mula sa South Korea na dumarayo sa bansa, na isa sa pinakamalalaking pinanggagalingan ng mga dayuhang turista.

"The 2025 slowdown is driven by lower domestic investment, weak business confidence, a significant decline in foreign direct investment, and domestick shocks—from typhoon-and flood-related disruptions to governance concerns that have delayed public investments."

"Service exports have also slowed, reflecting weaker growth in business services and fewer tourist arrivals," mababasa sa pahayag.

Sa kabila nito, iginiit ng World Bank na magandang pagkakataon ang pagresolba sa flood control scandal upang maisaayos hindi lamang ang mga proyekto laban sa baha kundi maging ang mas malawak na problema sa katiwalian at mabagal na pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.

Sinang-ayunan naman ng punong ekonomista ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) na si Michael Ricafort ang naging pagsusuri ng World Bank.

Ayon kay Ricafort, malaking dagok din sa ekonomiya ang paglabas o pagbabawal sa operasyon ng mga POGO sa pagtatapos ng 2024 na nagbawas ng mga oportunidad sa negosyo.

“In view of the POGO exit/ban by end-2024 that reduced the business/economic opportunities on business/industries related and that benefited from POGO operations, the resulting increase in vacancies in office, residential, and commercial property spaces vacated by POGOs and their expats/employees/associates,” ani Ricafort.

Samantala, ayon pa rin sa World Bank, makakatulong daw sa pagbangon ng ekonomiya ang "strong investments" at mga reporma.

"The Philippines can leverage its strong economic foundations to implement bolder reforms that can unlock faster, more inclusive growth," ayon kay World Bank Philippines Director Zafer Mostafaglu ng Pilipinas, Malaysia, at Brunei.

"Removing barriers that limit investment and productivity and strengthening competitiveness can create more and better-paying jobs, expand opportunities, and reinforce economic resilience."