Patay ang isang rider nang bumangga ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa isang kotse sa Antipolo City nitong Linggo.
Naisugod pa sa Rizal Provincial Hospital Antipolo Annex 2 ang biktimang si alyas ‘Rafael,’ nasa hustong gulang, at residente ng Marikina City.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng kotse na si alyas ‘Ding,’ residente ng Antipolo City, na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.
Batay sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-5:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa merging intersection ng Senator L. Sumulong Memorial Circle, malapit sa San Jose St., sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City.
Nauna rito, minamaneho ng suspek ang isang Isuzu Vitara at maingat umanong binabagtas ang junction box, mula sa San Jose Extension, patungong San Jose St., Brgy. Dela Paz.
Pagsapit nito sa naturang intersection, tumawid umano ito sa northbound lane at pumasok sa inner lane sa southbound direction.
Batay sa kuha ng CCTV, naokupa na ng naturang sasakyan ang inner lane ng southbound side nang bigla na lang bumangga sa kanang front passenger side nito ang motorsiklo ng biktima, na noon ay bumabagtas naman mula Sumulong Highway patungong Lico’s Park.
Sa tindi ng impact nang pagkakabangga, tumilapon ang motorsiklo at ang rider nito sa sementadong kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa kaniyang ulo at katawan.
Kaagad itong naisugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.