Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad at patuloy na maayos na pagbiyahe ng commuters sa inaasahang pag-arangkada ng nationwide transport strike mula Martes, Disyembre 9 hanggang Huwebes, Disyembre 11.
Ibinahagi ni Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Lunes, Disyembre 8, na nakipagtulungan ang PNP hindi lamang para bantayan ang mga lugar na pagdarausan ng kilos-protesta, kung hindi para na rin magbigay asiste sa commuters.
“Our personnel will be on the ground not only to secure the protest action but also to assess areas that need mobility assets for our kababayan who may be stranded,” saad ni Nartatez.
Ayon pa kay Nartatez, mayroon silang nakaantabay na patrol cars para sa commuters na mahihirapan makahanap ng masasakyan sa kagsagsagan ng transport strike.
Habang mayroon ding mga naka-istasyon na mga PNP personnel sa ilang major transport terminal, kalsada, at ruta, na inaasahang maaapektuhan ng strike.
“Our goal is to make sure that the protest action will be done peacefully and orderly similar to the same activities in the past,” saad ni Nartatez.
Matatandaang unang inanunsyo ng transport group na MANIBELA noong Huwebes, Disyembre 4, ang pagsasagawa nila ng transport strike bilang protesta laban sa umano’y mga labis na multa at mabagal na serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno.
MAKI-BALITA: MANIBELA, iraratsada 3 araw na kilos-protesta
Sa kabilang banda, personal na nakiusap si Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro sa grupo noong Biyernes, Disyembre 5, na gawin na lamang “pamasko” sa mga pasahero ang pagresolba sa mga hinaing nila.
“Tayo na rin po ang mananawagan sa grupo ng MANIBELA, alam naman po natin Christmas season, baka naman po puwedeng ipamasko n’yo na. Mapag-usapan kung anoman po ‘yong mga hinaing nila. Pag-usapan para maresolba agad,” pakiusap ni Castro.
MAKI-BALITA: 'Pamasko n'yo na!' Palasyo, nanawagan sa Manibela pag-usapan, 'wag pahabain tigil-pasada
Gayunpaman, nanindigan ang MANIBELA noong Linggo, Disyembre 7, na kailangang ayusin ng pamahalaan ang mga hinaing nila.
"Ang hinihingi namin ay hindi regalo. Kung gusto niyong maging masaya ang Pasko, ayusin ninyo ang problema, huwag kaming gawing biktima,” ani Mar Valbuena, ang tagapangulo ng MANIBELA.
“Matagal na naming idinadaing ang panggigipit, na parang pinulot lang sa kanto. LTFRB at LTO mismo ang hindi makapaglabas ng dokumento, pero kami ang pinagmumulta. Kung ito ba’y hindi pang-aapi, ano na ang tawag natin dito?” aniya pa sa mga umano’y panggigipit na nararanasan ng mga tsuper.
MAKI-BALITA: 'Matagal na kaming sinasaktan ng sistemang bulok! MANIBELA, nanindigang tuloy 3-day transport strike
Sean Antonio/BALITA