December 18, 2025

Home BALITA

Pasyente sa ICU, patay matapos malanghap usok sa nasunog na bahagi ng isang ospital

Pasyente sa ICU, patay matapos malanghap usok sa nasunog na bahagi ng isang ospital
Photo courtesy: RJ Peralta/FB

Nasawi ang isang pasyente matapos malanghap ang makapal na usok sa loob ng Intensive Care Unit (ICU) ng Our Lady of Mercy General Hospital sa Barangay Lungos, Pulilan, Bulacan. 

Kinilala ang biktima na si Retired Police Captain Marcelino Leonardo.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nagsimula bandang 1:00 a.m. Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagmula ang apoy sa likurang bahagi ng refrigerator sa pharmacy sa ikalawang palapag at mabilis na kumalat sa iba pang bahagi ng ospital.

Nahirapan ang mga responder sa paglikas sa 17 pasyente kaya kinailangan silang ilabas sa pamamagitan ng winasak na bintana ng ospital. Dinala ang mga pasyente sa iba’t ibang pagamutan sa Plaridel at Baliwag City para sa agarang lunas.

National

Bilang Pangulo at Commander-in-Chief: PBBM, ipinangako patuloy na modernisasyon ng AFP

Pansamantalang isinara ang bahagi ng National Highway patungo at pabalik ng Norte habang nagpapatuloy ang fire operations. Idineklara ng BFP na fire out ang sunog ganap na 5:40 a.m.

Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang pinagmulan ng sunog at ang kabuuang lawak ng pinsala sa ospital.

Samantala, nagpasalamat naman ang alkalde ng lungsod na si Mayor RJ Peralta sa pag-aksyon ng BFP.

“Dahil sa inyong tapang, dedikasyon at mabilis na koordinasyon, maraming buhay ang nailigtas at mabilis na nakontrol ang sitwasyon. Isang malaking pagpapatunay na sa Pulilan, ang bayanihan ay buhay at aktibo,” ani Peralta.