LF: KAYAKAP!
Asahan na ang malamig na panahon sa mga susunod na linggo at buwan dahil posibleng bumaba sa 7.9°C ang temperatura ngayong Amihan season, ayon sa PAGASA nitong Lunes, Disyembre 8.
“Mas bababa pa po ang ating temperature… mas lalamig pa po sa mga susunod na weeks and months," saad ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis sa kaniyang panayam sa PTV.
Ngayong Disyembre, inaasahang nasa 11.4°C hanggang 14.3°C ang lowest temperature na maitatala. At mas bababa pa raw ito pagsapit ng Enero at Pebrero sa susunod na taon dahil ito raw ang "peak" ng Amihan.
“So, around between 11.4°C to 14.3°C po yung lowest temperature na forecasted ng PAGASA ngayong December. And then between 7.9°C to 11.8 °C 'yan po yung mga possible na mga lowest temperature na fino-forecast ng PAGASA mula January up to February 2026,” ani Solis.
“Actually ay umpisa pa lang ito ng paglamig ng ating Amihan. Usually po kasi ang peak season ng ating Amihan ay January at February, doon po talaga natin mas naitatala yung pinakamababa na temperatura,” dagdag pa niya.
Samantala, nagbigay-babala rin si Solis sa mga mamamayan Cordillera Administrative Region (CAR), lalo na sa mga magsasaka, sa posibleng frost formation.
"Kailangan pa rin po mag-ingat yung ating mga kababayan, lalong-lalo na diyan sa mountainous areas ng Luzon, diyan sa may CAR, kasi possible po ang formation ng mga frost so posibleng makapekto doon sa kanilang pananim, sa ating high-value crops. Kaya pinag-iingat din po natin ang ating mga magsasaka doon."