December 15, 2025

Home BALITA Internasyonal

Lighter na nilunok ng isang lalaki, gumagana pa rin matapos matanggal makalipas ang 30 taon

Lighter na nilunok ng isang lalaki, gumagana pa rin matapos matanggal makalipas ang 30 taon

Isang 68-anyos na lalaki ang nadiskubreng may lighter pa ring nakabaon sa kaniyang tiyan na nalunok niya mahigit tatlong dekada na ang nakalipas.

Nagpagamot ang pasyente na mula sa China, matapos makaranas ng matinding pananakit ng tiyan.

Isinailalim siya sa emergency gastroscopy at natuklasan ang isang makinang na itim na bagay na matagal nang nananatili sa loob ng kaniyang tiyan.

Ayon sa mga doktor, nahirapan silang alisin ang lighter gamit ang karaniwang endoscope dahil sa laki nito at sa tibay laban sa asido sa tiyan. Maingat nila itong binalot at hinugot nang paunti-unti, gamit ang mas advanced na teknolohiya dahil mababa ang success rate ng karaniwang endoscopy sa mga ganitong kaso.

Internasyonal

Mass shooting incident sa Sydney, walang nadamay na mga Pinoy

Nang maalis, laking gulat ng medical team nang malaman na may gas pa at gumagana pa rin ang lighter. Ang materyal ng casing nito—polypropylene o ABS plastic—ang umano’y nagprotekta rito laban sa stomach acid sa loob ng 30 taon.

Ayon sa naturang lalaki, nalunok niya ang lighter noong siya ay 30 taong gulang pa lamang, matapos hamunin ng mga kaibigan. Hindi niya ito sinabi kahit kanino at inakalang natural na itong nailabas ng katawan. 

Paminsan-minsan ay nakararanas siya ng banayad na pananakit ng tiyan, ngunit nawawala naman—hanggang sa nagkaroon siya ng matinding sintomas na nag-udyok para magpatingin sa doktor.

Ayon sa mga eksperto, napakabihira ng ganitong kaso at nagpapakita ito ng kakaibang tibay ng katawan ng tao at ng pambihirang pagkakataon na nagpayagang manatiling buo ang dayuhang bagay sa loob ng ilang dekada.