Ipinasa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang Ordinance No. 26 s-2025 na nagbabawal sa anumang uri ng advertisement at promotions ng gambling sa loob ng lungsod, ayon kay Mayor Vico Sotto.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Sotto na matagal nang isinusulong ng lungsod ang paghihigpit laban sa mga aktibidad na may kaugnayan sa sugal. Iginiit niyang noong 2022 ay sila ang unang lokal na pamahalaan sa bansa na nagpatupad ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at e-games sa kanilang hurisdiksyon.
“In 2022, we became the first LGU to BAN both POGO and computer gambling shops (‘e-games’) within our jurisdiction. While we were passing the Ordinance (no. 55 s-2022), we received a countless numbers of messages asking us to reconsider; at least 2 councilors told me they were offered money. But we stood firm,” pahayag ng alkalde.
Ikinatuwa rin ni Sotto ang pambansang pagbabawal sa POGO, kalakip ang naging paghahatol sa mga sangkot sa mga kriminalidad na kaugnay nito.
“Ngayon, masaya ako dahil BANNED na rin ang POGO sa buong Pilipinas at meron pa ngang na-convict na dahil sa mga kaugnay nitong krimen,” aniya.
Ayon sa alkalde, mas pinaigting pa ng Pasig City ang kanilang polisiya sa pamamagitan ng bagong ordinansa.
“Now, we have also passed Ordinance no. 26 s-2025, authored by Coun. Paul Senogat, PROHIBITING THE PROMOTION AND ADVERTISING OF GAMBLING WITHIN THE JURISDICTION OF PASIG CITY,” sabi niya.
Kasunod nito ay mahigpit nang ipinagbabawal ang lahat ng uri ng gambling promotions. “No more billboards, signages, sponsorships, etc., of/from gambling companies,” dagdag ni Sotto.
Sinabi ng alkalde na bagama’t may mga limitasyon ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan, lalo na sa usaping pambansa at online gambling, malaking hakbang pa rin umano ang pagbabawal ng advertisements upang mabawasan ang impluwensiya ng sugal sa mga residente.
Ipinaliwanag din ni Sotto na marami na siyang nasaksihan na buhay na nasira dahil sa sugal. “Ang dami ko nang nakita na nalulong at nasira ang buhay dahil sa mga active-play gambling games. Kung kusang hanapin ito ng isang tao, desisyon niya ‘yun; pero ibang usapan naman ‘yung maya’t maya pinapaalalahanan/hinihikayat ka pabalik doon,” sabi niya.
Dagdag pa niya, “Gambling psychology is a highly researched subject, I trust that no one will give us a hard time for passing this ordinance.”