December 11, 2025

Home FEATURES Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano
Photo courtesy: PBA, PH Sports Bureau (FB

Pumanaw na ang Philippine Basketball Association (PBA) Legend at Presto Champion Coach na si Jaime “Jimmy” Mariano sa edad na 84.

“Our prayers and condolences to the family and loved ones of former PBA player and Presto champion coach, Mr. Jimmy Mariano,” pakikiramay ng PBA League sa pamilya ni Mariano noong Linggo, Disyembre 7. 

Bilang dating konsehal naman ng Taytay, nagpahatid din ng pakikiramay ang Taytay Public Information Office, sa pangunguna ni Mayor Allan De Leon at ng mga miyembro ng ika-13 Sangguniang Bayan. 

“A true icon of Philippine sports and public service, Councilor Jimmy Mariano lived a life of excellence both on and off the court,” saad ng Taytay PIO sa kanilang social media nitong Lunes, Disyembre 8. 

Trending

ALAMIN: Ano ang mga nag-trend na ‘Google search’ ng maraming Pinoy sa taong 2025?

“Today, Taytay honors not only a basketball legend–but a public servant, mentor, patriot, and role model whose life inspired generations,” dagdag pa rito. 

Dahil sa pakikidalamhati ng mga tao sa loob at labas ng basketball court, kilalanin kung sino nga ba si Jimmy Mariano: 

Kilala sa kaniyang bansag na “Mr. Cool,” si Mariano ay ipinanganak sa Malabon noong Abril 19, 1941. 

Si Mariano ay naging parte ng University of the East (UE) Red Warriors noong 1960s, kung saan, dalawang beses silang nakapag-uwi ng dalawang panalo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). 

Taong 1965 hanggang 1972, naglaro siya sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA), para sa teams ng Ysmael Steel Admirals, Meralco Reddy Kilowatts at Concepcion Carrier, kung saan, siya ay naging four-time champion. 

Mula naman 1975 hanggang 1979, naglaro siya sa PBA, kung saan naging parte siya ng 7-Up at Filmanbank. 

Nagsimula naman ang coaching career ni Mariano sa Presto Tivolis sa PBA noong 1983, at panandaliang bumalik sa UE Red Warriors noong 1984 at 1985, kung saan, nagkaroon silang back-to-back na panalo sa UAAP.

Agosto 1989, muling naging coach ng Presto si Mariano, at pinangunahan ang 1990-All Filipino championship. 

Bukod sa mga pagkapanalo sa loob ng bansa, nagkaroon din ng pagkilala abroad ang PBA Legend. 

Ilan dito ay ang pagiging parte niya ng Philippine National Basketball Team, kung saan, nakapaglaro siya sa 1966 Asian Games sa Bangkok, Thailand, at 1968 Summer Olympics sa Mexico City. 

Taong 1972, si Mariano ang naging flag bearer ng Pilipinas sa 1972 Summer Olympics sa Munich, Germany. 

Taong 1973 naman, naiuwi nila ang 1973 ABC Championship, na kilala na sa kasalukuyan bilang FIBA Asia Cup. 

Sa sumunod na taon, si Mariano ang naging team captain ng 1974 FIBA World Cup. 

Mula naman 1992 hanggang 1995, nanilbihan siya bilang konsehal sa munisipalidad ng Taytay. 

Sean Antonio/BALITA