Kinondena ng Kapisanan ng mga Broadcaster sa Pilipinas (KBP) chapter sa Butuan City ang pagpaslang kay Gerry Campos, isang dating broadcaster na nagsisilbi bilang municipal councilor, sa Marihatag, Surigao del Sur.
Nanawagan ang grupo sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing at patas na imbestigasyon upang matiyak na makakamit ang hustisya “swiftly and without compromise.”
Si Campos ay nasaksak hanggang sa mamatay noong Sabado ng umaga habang naglalakad malapit sa isang gasolinahan sa Barangay Santa Cruz. Arestado rin sa araw ding iyon ang 42-anyos na suspek sa isinagawang pursuit operation ng pulisya.
“We are deeply saddened and outraged by this senseless act of violence. Gerry’s untimely death is not only a tragic loss to his family and friends but also to the media community and the public he served with dedication,” pahayag ng KBP-Butuan City Chapter noong Sabado ng gabi, Disyembre 6, 2025.
Bago mahalal bilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Marihatag sa midterm elections ngayong taon, nagsilbi si Campos bilang direktor ng Radio Mindanao Network sa Butuan City at naging station manager ng Radyo Serbato sa parehong lungsod.
Sa isang Facebook post, nagpahayag din ng pagluluksa ang Radyo Serbato sa pagpanaw ng kanilang dating opisyal.
“We, the Radyo Serbato family, deeply mourn the passing of Gerry Campos, our first station manager, former area manager, and a dedicated SB member of Marihatag, Surigao del Sur. Your leadership, service, and kindness have left a legacy we will always remember. Rest in peace, Sir Gerry. Your Radyo Serbato family will forever honor your memory,” ayon sa kanilang pahayag.