Patay ang isang 73-anyos na lola sa loob ng kaniyang tahanan sa Antipolo City nitong Linggo ng gabi.
Ang mga labi ng biktima ay natagpuan sa isinagawang mopping operation ng mga awtoridad.
Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Antipolo City, nabatid na dakong alas-12:48 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isang tahanang matatagpuan sa Sitio Bulao, Brgy. Muntingdilaw at mabilis na kumalat sa mga kalapit na bahay, na pawang gawa lamang sa light materials.
Nasa kasarapan na umano ng tulog ang mga residente nang sumiklab ang sunog, na nagresulta sa pagkamatay ng matandang babae dahil hindi nakalabas sa bahay.
Sugatan din ang isa pang residente na naisugod kaagad sa pagamutan at nasa maayos namang kondisyon.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, tinatayang nasa 30 kabahayan o 100 indibidwal ang naapektuhan ng apoy.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong ala-1:38 ng madaling araw.
Inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.