“Masaya, maingay, magulo—pero malalim,” ganito inilarawan ng aktor at Michelin Bib Gourmand chef na si Marvin Agustin ang naging reunion niya sa co-stars ng 90s TV show, ‘Gimik’ kamakailan.
Sa kaniyang social media posts noong mga nagdaang-araw, makikita ang videos at mga litrato mula sa naging kanilang kulitan at tawanan sa Christmas Party nila.
“Ang sarap balikan kung saan nagsimula lahat: mga kabwisitan namin noon, mga tampuhan, tawanan, kalokohan… at kung paano unti-unti itong naging maturity, understanding, and yes—love. Hindi ko madalas gamitin ang salitang pagmamahal, pero ’yon talaga ang naramdaman namin kagabi,” makabagbag-damdaming caption ni Marvin sa part one ng kaniyang Instagram reel, kung saan, ginawa nila ang social media trend na “small gift exchange.”
Kung saan, nag-exchange gift sila ng everyday essentials at “witty” gifts tulad ng lip balm, sunscreen, toothbrush covers, salabat, at pandesal.
Idinagdag din niya na sa muling pagkikita-kita nila, napagtanto niyang bibihira ang magkaroon ng mga kaibigan na hinubog ng mahabang panahon, at nakaantabay sa panalo ng isa’t isa.
“Reuniting with this group reminded me of how rare it is to have friendships na hindi binuo sa isang araw, isang linggo, o isang taon. Nabuo kami sa mahabang panahon… sa pagtitiis sa isa’t isa, sa pag-unawa, sa pag-alaga, sa pag-cheer for each other’s wins, sa pagkilala kung gaano kahalaga ang bawat isa,” pagbabalik-tanaw niya.
Sa part two naman ng kanilang exchange gift, idinagdag ni Marvin na walang nagbago sa naging energy ng kanilang grupo, at naramdaman niyang lahat sila ay muling bumalik sa kabataan nila.
“Parang bumalik kami sa dati—puro tawanan, asaran, at kulitan. ’Yung energy kagabi felt like our younger selves all over again, tawa nang tawa na walang pahinga. Nakakatuwang makita how nothing’s changed in the best way,” aniya.
“Grateful for friendships that still feel effortless after all these years—steady, warm, and always fun to come home to,” saad pa niya.
Sa kaugnay namang tagged post ng aktres at TV host na si Jolina Magdangal, inilarawan niya bilang “constant” ang naging co-stars at long-time barkada.
“Real friendship isn’t about relevance; it’s about the roots that hold even in winter,” saad ni Jolina.
“Sabi nga nila, you need true friends in a world full of passing seasons. Gimik barkada is my contant,” dagdag pa niya.
Bagama’t hindi kumpleto ang cast, kasama sa naging kamakailang “Gimik” reunion sina Judy Ann Santos-Agoncillo, Patrick Garcia, Mylene Dizon at Dominic Ochoa.
Ang “Gimik” ay unang ipinalabas sa TV mula 1996 hanggang 1999, kung saan, naging sikat ito sa kabataan noong mga panahon na ito dahil sa pagtalakay ng mga sitwasyon at isyung kinahaharap ng kabataan.
Kabilang sa cast ay sina Diether Ocampo, Giselle Töngi, Kaye Abad, Diego Castro, Bojo Molina, at ang pumanaw na aktor na si Rico Yan.
Sean Antonio/BALITA