December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Sinabihang pipitsuging babae!' Joshua, pinusuan sa pagtatanggol sa misis na si Jopay

'Sinabihang pipitsuging babae!' Joshua, pinusuan sa pagtatanggol sa misis na si Jopay
Photo courtesy: The Real Joshua Zamora (FB)

Bumaha ng papuri mula sa mga netizen ang "Manoeuvres" member na si Joshua Zamora matapos niyang ipagtanggol ang kaniyang asawang si Jopay Paguia, miyembro ng Sexbomb Girls, laban sa isang basher na nanlait sa aktres at dancer.

Nag-ugat ang usapin matapos magkomento ang netizen na isa lamang umanong “pipitsuging babae” si Jopay at “sayang” daw si Joshua dahil sa isang dancer lang siya napunta.

Mababasa sa komento ng basher, "Sayang talaga si Joshua napunta lang sa pipityuging babae. Ang daming babaeng politicians at doctors na may gusto sa knya. Pero sa isang dancer lang nabagsak. Naghihirap tuloy."

Hindi pinalagpas ni Joshua ang naturang pahayag at buong tapang niyang sinagot ang basher sa isang makahulugang mensahe na agad namang umani ng suporta mula sa publiko.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

“Salamat sa opinyon mo, pero hindi ko sinusukat ang halaga ng isang tao base sa trabaho, titulo, o kung gaano siya ‘kagalang-galang’ sa paningin ng mundo," ani Joshua sa kaniyang Facebook post.

"Ang tunay na halaga ng tao ay nakikita ng Diyos, hindi ng tao,” ani Joshua sa kaniyang post, kalakip ang mga berso mula sa Bibliya gaya ng 1 Samuel 16:7, Proverbs 19:14, at Ecclesiastes 4:9.

Dagdag pa niya, hindi siya napunta sa “mali” dahil pinili niya ang isang taong tapat, nagmamahal, at kasama niyang lumalaban sa hamon ng buhay. Aniya, mas mahalaga ang pag-ibig, pananampalataya, at respeto kaysa sa anumang titulo o propesyon.

Dahil dito, mabilis na pinusuan at pinuri ng mga netizen ang paninindigan ni Joshua. Marami ang nagsabing bihira na raw ang ganitong klaseng lalaki na buong tapang na ipinagtatanggol ang asawa at ipinapakita ang lalim ng pananampalataya.

"Excuse me,,,Jopay is Jopay,,,in terms of dance and performer,,isa si jopay sa tinitingala,,,hellooo wala na tayo sa taon na 90's,,,,21st century na tayo,,tigilan na ang stigma sa mga ganyan...ang dance is a form of Art na,,and di mo maitatanggi na isa si Jopay sa iniidolo ng nakakarami,,kasama ang buong sexbomb dancers..."

"Hindi nila alm kung ano pinag daanan ng mag asawa. Ang daming trials, pero matatag prin cla, it takes two to tango ika nga nila dba? The Real Joshua Zamora."

"Sana lahat ng lalaki/babae ganyan mag isip sa pagpili na taong mahal hindi ung nakakita lang ng may mas pakinabang Mang iiwan na."

"If I'm not mistaken, may point sa relationship nila na naghiwalay sila. Parang si Sir Joshua yata ang nakipag break. Then siguro pinag pray nila kay Lord yung tama at dapat kaya nag kaayos silang dalawa. Ngayon meron na sila masayang pamilya.."

"bro... kasama yung asawa sa hobby at profession nya. They share the same faith too! they enjoy most of their time together. Ano pa hihilingin mo?"

Kamakailan lamang, muling umarangkada si Jopay sa "Get, Get Aww!" reunion concert ng Sexbomb Girls sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, noong Disyembre 4.