Muling nagbigay ng paliwanag si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon hinggil sa viral video ng "pagwawala" niya sa isang mall sa Makati City dahil sa nakaalitang Chinese national, gabi ng Sabado, Disyembre 6.
Sa kaniyang Facebook post, madaling-araw ng Linggo, Disyembre 7, ibinahagi ni Guanzon na siya ay na-high blood habang nasa loob ng mall at kinailangan pang asistihan ng mga medics.
Ayon sa kaniya, nagsimula ang insidente matapos siyang umubo nang isang beses dahil sa makating lalamunan, dahilan upang sabihan umano siya ng isang Chinese national na umalis sa mall dahil siya raw ay “contagious.”
Iginiit ni Guanzon na wala umanong karapatan ang lalaki na paalisin siya sa isang pampublikong lugar. Aniya, kung takot itong magkasakit, ito ang dapat umiwas sa mga mataong lugar.
Humingi siya ng paumanhin mula sa lalaki ngunit tumanggi umano itong mag-sorry at sa halip ay tiningnan pa siya mula ulo hanggang paa.
Ayon pa kay Guanzon, sinabihan pa siya ng lalaki na hindi raw ba niya kayang bumili ng face mask, na kaniyang itinuring bilang isang mapangmata at bastos na pahayag. Dahil dito, tuluyan nang uminit ang sagutan ng dalawa.
Kalaunan, nagsampa ng reklamo si Guanzon sa Makati Central Police Station laban sa naturang lalaki na pinangalanan niyang “Chiong.”
Aniya, nagpakumbaba at humingi ng paumanhin ang asawa ng lalaki, ngunit siya mismo ay hindi umano nag-sorry at sa halip ay dinilatan pa siya.
Ibinunyag din ni Guanzon na nang babasahan na umano ng Miranda Rights ang mag-asawa, tumakas ang lalaki sa tulong ng kanilang abogado—isang hakbang na kaniyang kinuwestiyon at itinuring na posibleng paglabag sa legal ethics.
Mababasa sa buong Facebook post ni Guanzon, published as is, "Na high blood ako kanina .(last night) Ang taas. Medics had to assist me in Rockwell Mall."
"Sabihan ba naman ako ng Chinese na umalis sa Rockwell mall because I am CONTAGIOUS after I coughed once due to an itchy throat . He said 'you are coughing you should not be in the mall. Leave.'"
"Am pootah sya nga ang hindi taga Makati ako pa papalayasin nya."
"I told him if you are sick or afraid to get sick you should not be in a mall. You have no right to tell me to leave. I demanded an apology but he refused and instead looked at me head to toe. yho de puta."
"Kung maka utos parang amo ko sya. Matapobreng hindi naman mayaman. Sinabihan ako 'cant u afford to buy a mask?'
Sinigawan ko You dont even wear a Rolex or a Gucxi. Matapobre."
"Pangalan nya Chiong. Nag file ako ng complaint sa Makati central police station. Ang asawa nya ng apologize pero sya hindi. Dinilatan pa ako! Nang babasahan na sila ng Miranda Rights ng police investigator, tumakas ! Tinakas ng lawyer nila.
Mga atorni, gagawin nyo ba yon ? Itakas ang kliyente nyo.? Hindi ba that is against our code of conduct as lawyers? Mananagot ka din kagaya ni Martin Looter," aniya pa.
Kaugnay na Balita: Nag-ugat sa ubo! Rowena Guanzon, ipinaliwanag bakit na-beast mode, nagwala sa mall
Sa inilabas naman niyang video, nagpasalamat si Guanzon sa mga nag-alala sa kaniya at sinabing ginawa lamang niya iyon para sa sarili, dahil hindi aniya kailangang palampasin ang pang-aalipusta; kung ibang tao raw ay naipagtatanggol niya, paano pa raw kaya ang sarili niya?
Inamin din ni Guanzon na talagang napahiya siya sa ginawa ng nabanggit na lalaki, lalo't marami sa mga taong nakasaksi sa insidente ay kakilala siya.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang kabilang panig tungkol sa alegasyon, habang patuloy namang tinututukan ng publiko ang isyu na umani na ng sari-saring reaksyon sa social media.