Nanindigan ang transport group na MANIBELA na itutuloy nila ang kilos-protestang iraratsada nila mula Disyembre 9 hanggang 11, bilang panawagan sa anila’y labis na multa at mabagal na serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno.
Kaugnay ito sa panawagan ng Palasyo kamakailan na huwag na raw pahabain pa ang naturang tigil-pasada.
“Tayo na rin po ang mananawagan sa grupo ng MANIBELA, alam naman po natin Christmas season, baka naman po puwedeng ipamasko n’yo na. Mapag-usapan kung ano man po ‘yong mga hinaing nila. Pag-usapan para maresolba agad,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Pamasko n'yo na!' Palasyo, nanawagan sa Manibela pag-usapan, 'wag pahabain tigil-pasada-Balita
Sa ibinahaging social media post ng MANIBELA nitong Linggo, Disyembre 7, itutuloy daw nila ang protesta dahil matagal na silang sinasaktan ng bulok na sistema.
“Tuloy ang 3-Day Transport Strike mula December 9–11. Hindi dahil gusto namin, kundi dahil matagal na kaming sinasaktan ng sistemang bulok. Dinidrible-drible lang kami,” saad ng MANIBELA sa kanilang post.
Nagbigay naman ng pahayag si Mar Valbuena, tagapangulo ng MANIBELA, sa aniya’y “pamasko” na binanggit ni Usec. Castro sa kaniyang press briefing kamakailan.
"Ang hinihingi namin ay hindi regalo. Kung gusto niyong maging masaya ang Pasko, ayusin ninyo ang problema, huwag kaming gawing biktima,” ani Valbuena.
KAUGNAY NA BALITA: MANIBELA, iraratsada 3 araw na kilos-protesta-Balita
Sinita rin niya ang aniya’y harrassment o panggigipit na nararanasan ng mga tsuper.
“Matagal na naming idinadaing ang panggigipit, na parang pinulot lang sa kanto. LTFRB at LTO mismo ang hindi makapaglabas ng dokumento, pero kami ang pinagmumulta. Kung ito ba’y hindi pang-aapi, ano na ang tawag natin dito?” aniya.
Vincent Gutierrez/BALITA
Photo courtesy: MANIBELA/FB, via Balita