Ibinahagi ni Kapamilya actor Zaijan Jaranilla ang most challenging na parte sa paggawa ng mature role bilang dating child star.
Sa isang episode ng PUSH Bets kamakailan, sinabi ni Zaijan na nahirapan siya sa kissing scene nila ni Jane Oineza sa pelikulang "Si Sol at Si Luna."
"Siguro 'yong first kissing scene ko," natatawang lahad ni Zaijan. "Which is 'yong 'Sol at si Luna' nga po with Ate Jane. 'Yon 'yong pinakamahirap."
"Alam ko rin naman na darating ako sa gano'ng punto. Pero iba 'pag nando'n ka na. Iba 'yong pakiramdam. Lalo na pag i-execute n'yo na 'yong eksena."
"Ang ginawa ko na lang no'n 'yong tipong parang tumalon ka sa eroplano na walang atrasan. 'Sige, game na 'to.'
Gayunman, may self-satisfaction daw na naramdaman si Zaijan matapos magawa ang eksena.
"Worth it siya. May pupuntahan din pala," anang aktor.
Matatandaang pinag-usapan ng fans ang eksena ng halikang ito nina Zaijan at Jane nang ilunsad ng isang supermarket company ang trailer ng “Si Sol at Si Luna.”
Nakasentro ang kuwento ng pelikula sa karakter ni Zaijan na naghahanap ng pag-ibig habang ang karakter naman ni Jane ay tumatakas mula sa matinding sakit na idinulot nito.
At sa pagtatagpo ng kanilang landas, matutuklasan nila ang isang bagay na hindi nila inakalang kailangan pala nilang pareho.
Maki-Balita: ‘Lagot ka kay Bro!’ Zaijan Jaranilla, Jane Oineza nagsagpangan sa bagong pelikula