December 13, 2025

Home SHOWBIZ

Bago matanggap na beki: Sassa Gurl, 'sinumpa' rin ng sariling ama

Bago matanggap na beki: Sassa Gurl, 'sinumpa' rin ng sariling ama
Photo Courtesy: Sassa Gurl (FB)

Hindi naiiba ang kuwento ng social media personality na si Sassa Gurl sa kuwento ng mga kapuwa niya LGBTQIA+ member na lumipas muna ang mahabang panahon bago natanggap ng ama ang kanilang identidad.

Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” noong Sabado, Disyembre 6, ibinahagi ni Sassa ang naging pag-uusap nila ng papa niya noong humingi ito ng tawad sa kaniya sa kasagsagan ng pandemya.

“Napag-usapan namin ‘yong mga bagay-bagay. Humingi siya ng tawad sa akin; nagkulang siya sa akin. Tapos, sabi ko nga, ‘Papa hindi ko rin maintindihan kung bakit no’ng una hindi mo rin ako tanggap,” lahad ni Sassa.

Dagdag pa niya, “Kasi ‘di ba minsan gano’n? Tatay talaga ‘yong nandadaot sa ‘yo; ‘yong may mga sinasabi sa ‘yo ‘di ba? So, naloloka ako. Hindi ko mailabas ‘yong tunay na ako.”

Tsika at Intriga

Kim Chiu, Paulo Avelino nagsasama na sa iisang bubong?

 “Siya pa ‘yong sinusumpa ang [tunay na] ikaw,” sundot ni Ogie.

Ayon kay Sassa, may mga pagkakataon umanong naririnig niya sa kaniyang ama ang mga katagang “bakla ka kasi.” At bilang bata noon, masakit daw ito para sa kaniya.

“Pero no’ng napaintindi ko naman sa kaniya habang lumalaki, unti-unti natatanggap naman niya kung sino ako. At ‘yon naman ang pinagpapasalamat ko sa tatay ko,” dugtong pa ng social media personality.

Kaya naman lagi niyang sinasabi sa kaniyang mga nakshie na maiintindihan din ng mga magulang nila ang kanilang kasarian at identidad dahil mas mahal sila ng mga ito kumpara sa mga tradisyunal na paniniwala.