December 13, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga kilalang obra na kuha sa inspirasyon ng Birheng Maria sa bansa

ALAMIN: Mga kilalang obra na kuha sa inspirasyon ng Birheng Maria sa bansa
Photo courtesy: Basilica of the National Shrine of the Immaculate Conception (website), National Museum of the Philippines (FB)

Isa sa mga pinakamahalagang pagdiriwang sa simbahang Katoliko ang “Inmaculada Concepcion” o Feast of the Immaculate Conception of the Virgin Mary, tuwing Disyembre 8 dahil pinaniniwalaan ng mga Katoliko na ipinagbuntis sa araw na ito si Maria nang walang pagkakasala. 

Bukod sa pag-aalay ng mga bulaklak, mga espesyal na misa na inilaan kay Maria, mayroon ding mga malikhaing obra na inalay sa pinagpalang ginang.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ang ‘Inmaculada Concepcion’ at bakit ito mahalaga sa kulturang Pinoy?

La Inmaculada Concepcion

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ano ang ‘holiday blues’ at paano ito malalagpasan?

Una rito ang “La Inmaculada Concepcion” na isang polychrome sculpture o isang eskultura na ginawa gamit ang maraming kulay. 

Photo courtesy: National Museum of the Philippines

Ayon sa Pambansang Museo ng Pilipinas, ang eskulturang ito ay pinaniniwalaang mula pa sa ika-17 hanggang 20 siglo, at kumakatawan sa sagradong sining noong pananakop ng mga Espanyol. 

Pinaniniwalaan ding ginawa ito ng mga eskultor na Chinese mestizo at Indio para mapalaganap ang pananampalatayang Kristiyano. 

Ayon pa sa Pambansang Museo ng Pilipinas, naging inspirasyon ng mga mga manlilikha ng “La Inmaculada Concepcion” ang mga eskultura, pinta, libro, at mga lathalain mula sa Europa at Mexico. 

Mula rito, sa opisyal na proklamasyon ni Haring Carlos III ng Espanya noong 1785, dumami pa ang mga eskultor na malayang gumawa ng kanilang obra, dala na rin ng patuloy na pagyabong ng mga Kristiyanong sining, at pagkomisyon sa mga manlilikhang Tsino at Indio para sa mga bagong simbahan sa Luzon at Visayas. 

Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje

Isa pa sa mga kilalang obra ay ang Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje o Our Lady of Peace and Good Voyage na kilala rin bilang Virgin of Antipolo, ay ipininta ni Justiniano Asuncion noong 1870. 

Photo courtesy: Intramuros Administration

Ayon sa lathala ng Intramuros Administration, ang painting na ito ay mula sa Mexico, na binili para pangalagaan sa simbahan ng Antipolo sa Rizal. 

Sa pinta ring ito, ipinakita ang miniaturismo style noong ika-19 siglo, na ipinapakita ang mga detalye sa burda ng damit ng birhen. 

Ayon pa sa lathalang ito, mahalagang tandaan na umitim na lamang ang itsura ng birhen sa pintang ito dala ng exposure at paglipas ng mahabang panahon simula ng maipinta ito. 

Brown Madonna 

Ang Brown Madonna ni Galo B. Ocampo noong 1938 ay nakilala dahil sa paggamit ng mga katangiang Pinoy sa obra ng Birheng Maria. 

Photo courtesy: CCP Encyclopedia of Philippine Art

Makikita sa pinta na may suot na baro’t saya at tapis ang Birheng Maria, habang may makikitang mga guhit ng arkitektura bago pa man sakupin ng Espanya ang bansa, mga kawayan, at calla lilies  sa layong i-angkop sa kulturang Pinoy. 

Ayon sa Encyclopedia of Philippine Art, bukod sa layong magpakita ng nasyonalismo, ang Brown Madonna ay nagpakita rin ng modernismo, posible rin na naging inspirasyon ni Ocampo ang obrang “La Orana Maria” ng French post-impressionist na si Paul Gauguin noong 1891, na Tahitian na bersyon ng Birheng Maria at ng sanggol na Hesus. 

Virgen de Barangay

Ang Virgen de Barangay o The Mother and Protectress of the Barangay ay ipininta ni Crisogon A. Domingo noong 1950’s. 

Photo courtesy: Pintakasi

Makikita sa pinta ang Birheng Maria na suot at tradisyunal na Balintawak at tapis na pula at dilaw sa kaniyang baywang habang ang sanggol na Hesus na buhat niya ay mayroong hawak na rosaryo, at parehas nilang pinanonood ang mga barangay sa tabing-dagat. 

Ayon sa founder ng “Barangay Sang Birhen Movement” at dating alkalde ng Bacolod City na si Antonio Gaston, sa pinta ring ito, ipinapakita na ang sitio ng 15 pamilya o kabahayan, ay nakapila na kahalintulad ng rosaryo, para ipakita na sila ay isang komunidad ng mga taong deboto sa Panginoon. 

Sean Antonio/BALITA