Patay ang isang 18 taong gulang na lalaki sa Barangay Muzon, Malabon City matapos sagasaan ng motor at hampasin ng baseball bat sa kaniyang ulo.
Ayon sa mga ulat, ang marahas na insidente ay nangyari isang madaling araw, matapos pagtulungan ang biktima ng isang grupo ng mga lalaki.
Habang nakatalikod ang biktima, binangga ito ng isang humaharurot na motorsiklo lulan ang isang lalaki, na nagdulot sa pagkatumba nito.
Makalipas ang ilang minuto, binugbog ito ng naturang grupo sabay hataw ng baseball bat sa kaniyang ulo.
Ayon pa sa mga ulat, nagtamo ang biktima ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito. Nadala pa siya sa ospital ngunit idineklara ding “brain dead” matapos ma-comatose.
Napag-alaman ding ama pala ng isang 7-buwang gulang na sanggol ang biktima, na siyang naulila nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa naturang insidente, habang ang mga karampatang kaso ay naisampa na rin.
Vincent Gutierrez/BALITA