Binigyang-pugay ni Vice President Sara Duterte ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa pagdiriwang ng Overseas Filipinos Month ngayong Disyembre.
Ayon sa bagong pahayag na ibinahagi sa publiko ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Disyembre 6, nagawa niyang parangalan ang mga OFWs sa kanilang kontribusyon para sa bansa.
Ani VP Sara, naglalakbay at nagtatrabaho ang OFWs sa iba’t ibang kontinente at mga bansa sa mundo na siyang nag-aangat at nagpapaunlad sa ekonomiya ng Pilipinas.
“Hindi madali ang inyong pinagdadaanan—malayo sa pamilya, magkaibang kultura, at pangungulila—ngunit patuloy kayong nagsisikap, at nagpapakita ng katatagan at karangalan,” aniya.
Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB)
Dagdag pa niya, “You are the heartbeat of the global Filipino pride, showcasing Filipino talent and values worldwide.”
Nanawagan din si VP Sara sa pamahalaan na palakasin pa ang suporta sa sistema ng mga OFW.
“As we honor your contributions, I call on our government and communities to strengthen support systems—better consular services, mental health resources, and reintegration programs—to ensure your rights are protected and your sacrifices are recognized,” diin niya.
“Para naman sa mga pamilyang naiwan, kayo ang sandigan ng pagmamahal at lakas. Ang inyong sariling sakripisyo at katatagan ang pinagmumulan ng inspirasyon at tapang ng bawat Overseas Filipino Worker,” ‘ika pa niya.
Sa pagpapatuloy ni VP Sara, hinikayat niya ang mga Pilipino na tiyaking makabalik ang OFWs nang may dangal at natupad ang kanilang mga pangarap.
“Sama-sama tayong bumuo ng kinabukasan kung saan bawat OFW ay makakabalik nang may dangal at ganap na matutupad ang kanilang mga pangarap,” saad niya.
“Mabuhay ang mga OFW at lahat ng Pilipino sa buong mundo!” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: VP Sara, nanguna sa 2028 presidential pre-elections survey—WR Numero
MAKI-BALITA: VP Sara, naungusan performance ni PBBM—WR Numero
Mc Vincent Mirabuana/Balita