Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa China para sa pagpapagawa ng Bucana Bridge, na nagdurugtong sa silangan at kanlurang baybaying bahagi ng Davao City, sa gitna ng pahayag ng administrasyong Marcos na kabilang ito sa apat na “legacy projects” nito.
Nagpasalamat din siya sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil ito ang nakahanap umano ng pondo para sa konstruksyon ng tulay noong siya pa ang presidente at si Sara ang alkalde ng Davao City.
Sa isang pakikipag-usap sa mga tagasuporta na ini-livestream sa Alvin & Tourism Facebook page, ikinuwento ng Bise Presidente ang “backstory” ng pagtatayo ng Bucana Bridge, at iginiit na nabuo ito dahil sa pagsisikap ng kanyang ama at ng pamahalaan ng China.
“Nagpapasalamat kami kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi siya tumigil sa paghahanap ng pondo para doon sa tulay. At siyempre nagpapasalamat tayo sa People’s Republic of China dahil buong-buong nila binigay yung entire cost ng tulay na iyon,” pahayag niya mula The Hague noong Biyernes, Disyembre 5.
“So walang gastos ang city government of Davao, walang gastos ang Pilipinas para tayo magkaroon ng bridge na yun. At napakahalaga ng bridge na yun dahil hindi mag-connect ang south to north kung wala yung bridge,” dagdag pa niya.
Ayon kay Duterte, ipinaalam sa kaniyang ama na walang pondo para sa proyekto noong siya pa ang pangulo at alkalde naman siya ng Davao City. Dahil dito, nagsimula umano itong maghanap ng mapagkukunan ng pondo at sinimulan ang proseso ng negosasyon, pagpaplano, at paghahanda ng mga dokumento sa panahon ng administrasyon nito.
“Pero ngayon nandiyan na yung bridge, so dapat natin yung ipagpasalamat para sa akin bilang isang Dabawenyo. At siyempre sa mga taga-Mindanao na din dahil nagbe-benefit din sila sa coastal road na ’yan, traveling from south to north of Davao in the region,” aniya.
Ang ₱3.1-bilyong Bucana Bridge project ay magdudugtong sa Barangay 76-A Bucana at Matina Aplaya, at magbibigay ng mas mabilis at mas ligtas na alternatibong ruta para sa mga motorista. Inaasahang kaya nitong pagsilbihan ang hanggang 14,000 sasakyan kada araw.
Pinondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance ng China, ang tulay ay isang 480-meter, six-span extradosed structure na sinusuportahan ng 860 metro ng approach roads. Mayroon din itong pedestrian walkway at shared-use path para sa mga siklista.