December 13, 2025

Home BALITA Internasyonal

Pinay DH, buwis-buhay na iniligtas alagang bata at among senior citizen sa sunog

Pinay DH, buwis-buhay na iniligtas alagang bata at among senior citizen sa sunog
Photo courtesy: GMA Integrated News (YT screenshot), AP Photo/Chan Long Hei

Lakas-loob na hinarap ng isang Pinay domestic helper (DH) ang malaking sunog sa kanilang apartment complex sa Wang Fuk Court, Tai Po district sa Hong Kong, habang bitbit ang alaga niyang bata at  among senior citizen. 

Sa kaniyang panayam sa programa ng GMA News na “24 Oras” noong Biyernes, Disyembre 5, mangiyak-ngiyak na ibinahagi Vame Mariz Verador na mula sa ika-17 palapag ng kanilang apartment complex, buhat niya ang alagang dalawang taong gulang na bata habang akay naman sa likod niya ang among senior citizen. 

“Nagulat ako kasi parang binabasag na nila ‘yong pintuan noong katabi namin. Noong pababa na kami, karga-karga ko ‘yong bata, sabi ko, ‘bakit sa hagdanan kami bumaba?’ And then 15th floor pababa kami, naamoy ko na ‘yong usok, doon na ako nag-panic,” saad ni Verador.

Bukod pa sa gulo ng sitwasyon nila noong mga oras na iyon, talaga raw pilit niyang nilakasan ang kaniyang loob para sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. 

Internasyonal

Japan, niyanig ng magnitude 6.7 na lindol; tsunami advisory, inisyu

“Sabi ko, ‘di puwedeng dito ako mamatay.’ Ang lola, nasa likod ko, ako, nanginginig na, ‘yong bata, umiiyak na. Sabi ko,’ kailangan ko umuwi ng Pinas para sa mga anak ko. Gusto ko pang makita mga anak ko,’ ani Verador. 

Nang palabas na daw sila, laking gulat niya nang makitang halos naubos na ng apoy ang katabi nilang gusali, at dahil din sa laki ng sunog, wala na rin daw halos natira sa gusali na pinanggalingan nila. 

“Akala mo hindi ka na mabubuhay, hindi ka na makakauwi sa Pinas para makita mga anak mo. Doon ako sobrang umiyak nang makita ko na ubos na ‘yong dalawang building. Kaya thankful ako kay God na binuhay mo pa ako,” mangiyak-ngiyak na saad ni Verador. 

Isa pa sa mga OFW na nakaligtas sa sunog ay si Rowena Paril, na mula naman sa ika-siyam na palapag ng isa pang gusali. 

Ibinahagi naman niya na kung hindi siya tinawagan ng isa niya pang amo, malamang daw ay patay na sila sa loob dahil wala silang narinig at walang signal kaya hindi nila agad nalaman ang nangyaring sunog. 

“Siguro kung hindi tumawag si Sir sa akin niyan, patay talaga ako. Kasi may kapitbahay kaming namatay dahil wala kaming narinig, wala kaming signal na may sunog na pala,” ani Paril. 

Sa kaugnay na ulat, isa pa sa mga Pinay DH na nakaligtas ay si Rhodora Alcaraz na kasalukuyan nang nasa recovery matapos siyang mag-kritikal dahil sa usok na nalanghap mula sa pagligtas sa alaga niyang tatlong buwang sanggol. 

MAKI-BALITA:  Pinay DH na nagligtas sa alaga niyang sanggol, recovering na

KAUGNAY NA BALITA:  OFW sa Hong Kong kinilala sa katapangan, niligtas alagang sanggol sa sunog

Sean Antonio/BALITA