December 13, 2025

Home SPORTS

PH Embassy sa US, pinag-iingat mga Pinoy dahil sa banta ng US-dual citizenship bill

PH Embassy sa US, pinag-iingat mga Pinoy dahil sa banta ng US-dual citizenship bill

Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Washington nitong Sabado, Disyembre 6, 2025 sa Filipino-American community na magdoble-ingat bago mag-renounce ng kanilang pagkamamamayang Pilipino, kasunod ng pagsusulong ng isang panukalang batas sa Estados Unidos na naglalayong wakasan ang dual citizenship.

“Our Philippine Foreign Service Posts in the United States are closely monitoring the bill and advise the Filipino-American community to do the same and exercise caution in renouncing their citizenship,” ayon sa pahayag ng embahada.

“Renunciation of Philippine citizenship is an irreversible legal action,” dagdag pa nito.

Nilinaw ng embahada na ang naturang panukala ay hindi pa batas at may posibilidad na hindi ito umusad depende sa magiging desisyon ng US Congress.

Ranking ng Pilipinas, patuloy pagratsada sa 33rd SEA GAMES 2025

“It will go through several stages of lengthy deliberation,” sabi ng embahada. “US lawmakers will have to carefully consider the provisions of the bill, given its possible significant impact on major immigrant groups in the country.”

Ang panukalang batas ay inihain ni Senator Bernie Moreno, isang Republican mula Ohio, na nagtatakda na ang mga Amerikano ay dapat tanging US citizen lamang.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas sa Estados Unidos, pinahihintulutan ang mga Amerikano na magkaroon ng dual citizenship hangga’t pinapayagan din ito ng kabilang bansa.

Para sa mga Pilipino, nakasaad sa Philippine Republic Act 9225 o Dual Citizenship Law na ang natural-born Filipino na naging naturalized citizen ng ibang bansa ay maaaring muling maging Pilipino kung sila ay may edad na 18 pataas.

Binigyang-diin din ng embahada na hindi nagtagumpay sa nakaraan ang mga pagtatangka na ipagbawal ang dual at multiple citizenship sa Estados Unidos.

Hinimok nito ang Filipino-American community na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Washington o sa pinakamalapit na konsulado para sa karagdagang impormasyon o katanungan.

Maki-Balita: 'Migration' ng lahat ng '3rd world countries' sa US, ipagbabawal na ni US President Trump