Isang 8-anyos na Filipino-American ang kabilang sa apat na nasawi sa isang birthday party na nauwi sa mass shooting nitong weekend sa Stockton, California.
Nangyari ang pamamaril nitong Sabado ng gabi (araw sa California) sa loob ng isang banquet hall sa Stockton, lungsod na matatagpuan sa hilagang-silangan ng San Francisco, na dinagsa ng mahigit isang daang bisita.
Ayon sa mga nakaligtas, una nilang inakala na ang malakas na ingay ay lobo lamang na pumutok, ngunit nagulat sila nang makita ang maraming taong duguan at sugatan.
Isang Pilipinong nagtatrabaho malapit sa venue ang nagsabing inakala nilang may banggaan lamang ng sasakyan.
“Ang akala nga namin no’n parang may nagbanggaan lang na sasakyan, ’yon pala marami nang mga nabaril d’yan, mga bata doon sa party. Nakakatakot kasi hindi mo rin naman masabi na ganyang situation pwedeng mangyari anytime, kaya nakakatakot din talaga,” ayon kay Jomar Sia sa panayam sa kaniya ng media.
Tinatayang nasa 17 iba pa ang nasugatan habang apat ang nasawi, kabilang ang isang adulto at tatlong kabataan.
Kabilang sa mga napatay ang 8-anyos na si Journey Rose Guerrero.
Ayon kay Sia, sa social media lamang niya nalaman na may Fil-Am na kabilang sa mga biktima.
Marami ang nag-alay ng bulaklak, sulat, at stuffed toys bilang pakikiramay at pagpupugay sa mga nasawi.
Patuloy ang imbestigasyon habang hindi pa natutukoy at nahuhuli ang mga suspek, sa kabila ng reward money na iniaalok ng lokal na pamahalaan, pulisya, at Federal Bureau of Investigation (FBI).
Inilarawan ng mga awtoridad ang insidente bilang isang “targeted attack” na posibleng kinasangkutan ng higit sa isang gunman.
“The FBI Sacramento Field Office and the San Joaquin County Sheriff’s Office are seeking information from the public regarding the mass shooting that occurred on November 29, 2025, in Stockton, California, in which multiple victims were shot,” ayon sa pahayag ng FBI sa Facebook.
“Investigators are requesting any information that will lead to the identification and arrest of the person(s) involved to include information about any vehicles, weapons, or planning activity connected to this attack,” dagdag pa ng FBI.