Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na hindi muna ipatutupad ang hinihiling na dagdag-pasahe sa tradisyunal at modernong jeepney kasunod ng malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, kabilang ang halos ₱3 kada litro na bawas sa diesel.
Gayunman, nilinaw ni DOTr Acting Secretary Tim Orbos Lopez na hindi pa tinatanggihan ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing petisyon para sa ₱1 hanggang ₱2 umento mula sa kasalukuyang minimum fare na ₱13 sa tradisyunal na jeepney at ₱15 sa modernong jeep.
“Pinagpapaliban po namin ang pag-apruba ng fare hike petition ng ating mga kasamahan sa transport groups,” pahayag ni Lopez.
Ipinaliwanag niyang hindi angkop na panahon para sa dagdag-pasahe dahil sa sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.
Ayon sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau, inaasahang bababa pa ang presyo ng diesel sa susunod na linggo ng humigit-kumulang ₱0.45 kada litro.
Inihayag din ni Lopez na paiigtingin ng DOTr at LTFRB ang kampanya laban sa mga colorum na sasakyan upang protektahan ang kabuhayan ng mga lehitimong drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs).
Aniya, nasa 30% ng arawang potensyal na kita ng lehitimong PUV drivers at operators ang nawawala dahil sa operasyon ng mga colorum o hindi rehistradong sasakyan.