Mas pinadali na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga motorista ang pagbabayad ng kanilang traffic penalties at violation sa pamamagitan ng bagong features ng “May Huli Ka” website.
Sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng MMDA at G-Xchange o GCash noong Biyernes, Disyembre 5, mababayaran na ng mga motorista ang kanilang road violations sa pamamagitan ng GCash Pay Bill.
“Puwede na pong bayaran ‘yong bills ng MMDA through GCash. ₱7 lang po ‘yong convenience fee, so hindi n’yo na po kailangan lumabas ng bahay. Sa convenience ng inyong bahay [o] opisina, puwede n’yo na pong bayaran ‘yong penalties n’yo through GCash,” saad ni MMDA Chairman Atty. Don Artes.
Sa bagong features rin ng “May Huli Ka” website, makikita na ng mga motorista ang kanilang proof of violation sa pamamagitan ng pag-enter ng kanilang plate at MV file number.
Kasama rin sa features ang pag-register ng mga sasakyan gamit ang iisang account, na layon ding mas padaliin ang sistema ng transport network vehicle service (TNVS) operators, ride-hailing fleet managers, logistics companies, at commercial vehicle operators, para sa tracking at reviewing ng violations ng mga sasakyan nila.
Bukod pa sa tracking at pagbabayad ng penalties, maaari na ring i-object ang naipataw na violation sa pamamagitan ng “e-Contest” feature ng “May Huli Ka” website.
“With the new features made available in the May Huli Ka website, motorists can now check on their records anytime and anywhere as we continually improve on the system and make it more inclusive,” saad ni Artes.
Idinagdag din niya na patuloy na tinatrabaho ng MMDA ang programming at inobasyon ng Artificial Intelligence (AI), para maidagdag sa paraan ng paghuli sa mga overspeeding na sasakyan.
Dahil sa kasalukuyan, gumagamit pa lamang ng speed guns ang ahensya para malaman ang bilis ng mga sasakyan na bumabyahe sa daan.
Base sa record ng MMDA noong Nobyembre 30, nakapagtala sila ng 252,315 violations, kung saan 119,345 dito ang beripikado.
Sa kasalukuyan din, mayroong 186 AI cameras ang MMDA, 348 CCTV cameras, at 100 body-worn cameras.
Sean Antonio/BALITA