Naglabas ng pahayag ang tanggapan ni Quezon Province Vice Governor Third Alcala kaugnay sa kumalat na video kung saan nagbitiw siya ng hirit patungkol sa homecoming ni Miss Universe Philippines 2025 Ahtisa Manalo.
“Officially, Ahtisa Manalo, the 3rd runner up ng recently concluded Miss Universe 2025, we will be hosting a homecoming para po sa kaniya this coming December 5, 2025,” saad ni Quezon Province 3rd District Board Member JJ Aquvido sa kalagitnaan ng sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.
Dagdag pa niya, “There will be a grand parade starting at the Pacific Mall in Lucena.”
“Kasama pa po ba tayo sa parada?” singit naman ni Alcala. “Bakit? Nanalo po ba tayo?”
Kaya naman sa latest Facebook post ng Sangguniang Panlalawigan Quezon noong Biyernes, Disyembre 5, nilinaw nila na wala silang intensyong bastusin o tapakan ang tagumpay ni Ahtisa sa prestihiyosong kompetisyon.
Anila, “Ang naturang komento ay tumutukoy sa Vice Governor at sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan--binibigyang-diin na sila ay hindi ang pageant winner, at dahil dito, si Ms. Manalo lamang ang dapat maging sentro ng pagdiriwang.”
“Ang komento ay upang ipakita ang suporta, hindi bilang kritisismo, at upang bigyang-diin na ang okasyon ay para sa kaniya,” dugtong pa ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon.
Sa huli, nagpaabot silang muli ng mainit na pagbati kay Manalo at tiniyak na kikilalanin nila sa paraang karapat-dapat ang naiambag ng beauty queen sa lalawigan ng Quezon.
Kaugnay na Balita: 'Di nasungkit ang korona!' Pilipinas, 3rd runner-up sa Miss Universe 2025-Balita