December 13, 2025

Home BALITA National

Mga isnaberong driver na magkakansela ng booking, planong i-penalize ng DOTr

Mga isnaberong driver na magkakansela ng booking, planong i-penalize ng DOTr
Photo courtesy: Department of Transportation - Philippines (FB)

Iniutos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Sec. Giovanni Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapataw ng penalty sa taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na magkakansela ng booking trip ng mga pasahero.

Ayon sa pahayag ng DOTr at LTFRB nitong Sabado, Disyembre 6, layon ng inisyatibang ito na turuan ng pananagutan at responsibilidad ang mga driver sa daan dahil ang trabaho nila ay isang “public interest.” 

“Ang parati ko pong sinasabi, pag pumasok ka sa ganitong klaseng trabaho, this is imbued with public interest. Ibig sabihin, hindi lang mas mataas na antas ang hinihingi namin sa inyo pagdating sa pag-iingat, ‘yung sinasabi nating extra-ordinary diligence. Pero, humihingi rin kami ng mas mataas na antas ng obligasyon at responsibilidad,” diin ni Lopez. 

Dahil na rin sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa parating na holiday season, maglalabas ng Memorandum Circular ang LTFRB, na magbabawal sa mga taxi at TNVS drivers na magkansela ng booking trips. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Ito po ‘yung sinasabi natin this holiday season, ‘yung mga isnabero. Hindi na lang po kasi sa taxi ‘yan. Ngayon maglalabas na po kami ng Memorandum Circular, ang LTFRB, isasama na namin ‘yung mga TNVS. May mga nagca-cancel e, ipagbabawal na natin [ang pag-cancel ng booked trips],” babala ng Kalihim. 

“Kasi ang karamihan ng mga drivers o TNC operator, ang sinasabi nilang rason is traffic. Kung ganoon din lang sana huwag na lang sila lumabas. Mas mababawasan pa ‘yung traffic. That’s the purpose of a public utility vehicle (PUV). Mahirap naman po kasi, tumanggap sila ng booking at pagkatapos ika-cancel lang din nila. Kawawa yung mga mananakay,” aniya pa. 

Bukod dito, inatasan din ni Lopez si LTFRB Chairman Vigor Mendoza II na busisiing maigi ang legal basis ng pagtataas ng pamasahe, kung dapat ba nila itong kanselahin o ipagpaliban muna sa kasagsagan ng holiday season. 

Kaya magbubukas rin daw ng public consultation ang TNVS companies sa darating na Miyerkules, Disyembre 10, para talakayin ang mga isyu hinggil sa pagtataas ng pamasahe. 

“Kailangan naming simulan na ngayong Disyembre. But I just have to strike a balance right now of either cancelling it totally or to defer it baka sa susunod na taon mas mai-implement na wala na po.  We can always cancel it [surge pricing], but again baka ang magsuffer diyan ay ang ating mga mananakay, so kailangan pong araling mabuti at iba pa rin ‘yung nakikipag-dayalogo tayo ng mabuti sa TNVS. Again, the drivers, titingnan natin kung paano sila maapektuhan, kung ano ang pwedeng alternative measures na ibibigay ng kanilang kompanya,” ani Lopez. 

Sa pagtatapos ng pahayag, binanggit ni Lopez na plano rin niyang ibaba ang mandato na nag-oobliga sa TNVS operators na magsumite ng listahan ng drivers na madalas nagkakansela ng booking trips sa LTFRB.

Kasama rin dito ang paggawa nila ng hotline kung saan bibigyang pagkakataon ang mga pasahero na maghain ng kanilang reports sa mga abusadong driver. 

Sean Antonio/BALITA