Inalmahan ni dating Philippine National Police (PNP) chief Nicolas Torre III ang panlalait sa ngipin ni Akbayan Rep. Chel Diokno.
Sa latest Facebook post ni Torre nitong Sabado, Disyembre 6, ibinahagi niya ang isang quotation pubmat kung saan naghayag umano ng pagsang-ayon si Diokno kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson na dapat bigyan ng ngipin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sabi naman ng blogger na si Angkol Rich, “I-donate n’yo po ‘yong ngipin n’yo.”
Hindi pinalampas ni Torre ang sinabing ito ng naturang blogger kaya bumwelta siya para depensahan si Diokno.
“Panlalait, slander, name calling, and bullying: the last refuge of people who ran out of ideas and arguments. PAG BINULLY KA, SIGURADONG HINDI IKAW ANG MAY PROBLEMA,” saad ng dating PNP chief.
Dagdag pa niya, “Kadalasan, ang bully, MAY NAKATAGONG PROBLEMA NA HINDI NYA MAILABAS DAHIL SA HIYA AT TAKOT.”
Matatandaang ang kampanya kontra bully ang isa sa pangunahing adbokasiyang isinusulong ni Torre.
Sa katunayan, nag-organisa ng isang fun run na “Chief Torre: Laban sa mga Bully" noong Nobyembre sa Sta. Rosa, Laguna para makapagbigay kamalayan at suporta sa mga biktima ng panlalait o pang-aapi.