Muling umapela ang mga grupo ng guro para sa makabuluhang dagdag-sahod sa mga public school teacher at civilian government employee matapos aprubahan ni Pangulong Ferdiand “Bongbong” Marcos, Jr., ang 15% pagtaas sa base pay ng military and uniformed personnel (MUP).
Sa pahayag ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) noong Biyernes, Disyembre 5, sinabi ng grupo na bagama’t kanilang tinatanggap ang hakbang, matagal nang napag-iiwanan ang mga guro sa mga umento sa sahod ng gobyerno.
Ayon kay TDC Chair Benjo Basas, ang kasalukuyang salary hike sa ilalim ng Executive Order No. 64—na nagkakaloob lamang ng ₱6,500 sa loob ng apat na taon para sa entry-level teachers—ay hindi sapat.
“Maliit ang umento para sa teacher at lalo pang maliit para sa mas mabababang posisyon sa gobyerno, sa pinakamalaking bilang ng mga empleyado,” aniya.
“Kung kayang bigyan ng 15% na umento ang mga kapatid sa military and uniformed service, kaya rin ang substansiyal na dagdag-sahod sa mga guro at iba pang kawani,” dagdag pa ni Basas.
Muling iginiit ng TDC ang kanilang panawagan para sa across-the-board ₱15,000 salary increase para sa lahat ng public school teachers at personnel ng Department of Education (DepEd), na tinawag nilang kinakailangang hakbang upang maitama ang hindi patas na pasahod sa gobyerno.
Bagama’t kinilala ng koalisyon ang pag-apruba ng Senado sa mas mataas na 2026 DepEd budget, sinabi ni Basas na nananatiling hindi pa rin tinatamaan ang sahod ng mga guro.
“Tama lamang na itaas ang pondo sa mga programa ng DepEd, pero malinaw na hindi pa rin tinutugunan ang aming panawagan para sa umento sa mga guro,” aniya.