December 13, 2025

Home BALITA Metro

Dalawang LTO personnel at isang guwardiya, ipinasisibak dahil sa pangongotong

Dalawang LTO personnel at isang guwardiya, ipinasisibak dahil sa pangongotong
Photo courtesy: Land Transportation Office - Philippines (FB screenshot)

Ipinatatanggal ni Land Transportation Office (LTO) Chief Asst. Sec. Markus V. Lacanilao ang dalawang personnel at isang guwardiya mula sa ahensya matapos isumbong ang mga ito ng umano’y pangongotong noong Biyernes, Disyembre 5. 

Sa pahayag ng LTO sa kanilang social media, ibinahagi na direktang itinuro ng ilang jeepney driver at operator ang mga umano’y empleyado na humingi sa kanila ng pera, matapos silang kausapin ni Lacanilao sa opisina, hapon ng Disyembre 5. 

Ayon pa sa ulat ng LTO, napag-alaman na ilan sa mga nasabing complainant ay driver ng mga na-impound na jeep dahil sa paglabag sa ilang batas-trapiko, kung kaya’t kinailangan silang dumalo ng seminar sa traffic and safety division sa LTO central office. 

Dito ay isinumbong nila na ang dalawang personnel na kabilang sa nasabing division at isang guwardiya ay umano’y humingi at tumanggap ng pera kapalit ang tiyak na pagpasa ng mga driver sa magiging examination matapos ang seminar. 

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

“Bakit ang lakas ng loob niyo gumawa ng ganiyan? Nagre-reform tayo, ang lakas pa rin ng loob ninyo. Wala kayong pinipili. Malaki, maliit, wala kayong pakialam,” nanggagalaiting saad ni Lacanilao.

Dahil dito, ipinautos ni Lacanilao ang agad na pagpapatanggal at paghahain ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga kasangkot sa pangyayari. 

Sa kabilang banda, malaki naman ang naging pasasalamat ng mga driver sa mabilis na tugon ng ahensya sa kanilang reklamo.

Sean Antonio/BALITA