Isang buwaya na may habang 14 na talampakan at pinaniniwalaang responsable sa pagkawala ng humigit-kumulang 15 aso ang pinagtulungang hulihin ng mga residente sa Bataraza, Palawan.
Sa panayam ng media kay Samuel Pagadora—isa sa mga nakatulong sa paghuli, tinalian nila ang buwaya at hinatak patungo sa lupa.
Nilagyan pa nila ito ng tela sa mukha at tinalian ang nguso. Sa video, makikita pa ang isang residente na inupuan ang likod ng buwaya matapos itong mahuli.
Agad namang nagtungo ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa Rio Tuba nang matanggap nila ang ulat.
Nang masuri ng PCSD ang buwaya, nakita nilang marami itong sugat at labis nang na-stress.
“Kasama ang DENR, pinuntahan natin yung area to check and to rescue the crocodile natin dahil marami na itong nakitang sugat at mataas na yung stress level. Naalis natin yung buwaya roon at na-i-travel back papuntang Puerto Princesa City,” ayon kay PCSD spokesperson John Vincent Fabello.
Nasa pangangalaga na ngayon ng Palawan Wildlife Rescue Center ang buwaya.
Binatikos naman ni Fabello ang paraan ng paghuli ng mga residente. Aniya, tanging awtorisadong ahensiya ng pamahalaan lamang ang dapat humahawak sa wildlife rescue.
“Under the Wildlife Act, hindi tayo basta-basta nanghuhuli ng buwaya, lalo na kung endangered species ito. Ang may karapatan lang na mag-extract ng buwaya from the wild ay ‘yung mga agencies na merong expertise,” paalala niya.
Hindi rin umano ito ang unang insidente ng presensiya ng buwaya sa komunidad. Noong Oktubre, isang lalaki ang natagpuang patay sa Sitio Marabahay sa Barangay Rio Tuba matapos umanong atakihin ng buwaya habang natutulog sa kaniyang bangka.
“Marami na. Minsan maglabas ako diyan, may masalubong ako tig-dalawang piraso. Minsan kung magtawid ‘yan sa ilog, kita namin kahit may araw,” ayon kay Pagadora.