Mananatili muna sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo bago ilipat sa regular dormitory kung saan makakasama niya ang iba pang persons deprived of liberty (PDL).
Inilipat si Guo kasama ang mga kapwa-akusado na sina Jaimielyn Santos Cruz at Rachelle Joan Malonzo Carreon sa CIW mula sa Pasig City Jail noong Biyernes ng gabi, Disyembre 5.
Sinamahan sila ng mga awtoridad mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na pinangunahan ni Chief Insp. Jean Olive Unciano, warden ng Pasig City Jail Female Dormitory. Nakarating sila sa Reception and Diagnostic Clinic (RDC) ng CIW bandang 10:17 ng gabi.
Ayon kay CIW CT/Supt. Marjorie Ann Sanidad na kailangan muna i-quarantine nina Guo, Cruz, at Carreon sa loob ng limang (5) araw sa RDC para sumailalim sa medical examination. Pagkatapos ay ililipat sila sa regular dormitory ng RDC ng 55 pang araw para naman sumailalim sa "mandatory orientation, diagnostics, and qualification."
Kapag nakumpleto na ang 60 araw na proseso sa RDC, sila ay ililipat sa kanilang assigned regular dormitory sa Maximum-Security Camp dahil sila ay hinatulan ng life imprisonment o habambuhay na pagkakakulong at multang P2 milyon.
Bukod kay Guo, Cruz, at Carreon, hinatulan din ng habambuhay na pagkakakulong at may multang P2 milyon ang lima pang akusado na sina Walter Wong Rong, Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang, at Lang Xu Po.
Ang desisyon itong ay ibinaba noong Nobyembre 20 ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Judge Annilyn Medes-Cebelis.