Naglabas ng komento ang Kapamilya star na si Angelica Panganiban kaugnay sa isyu ng pagsasampa ng kaso ng kaniyang kaibigang si Kim Chiu sa sisteret nitong si Lakambini Chiu.
Ayon sa naging pahayag ni Angelica matapos ang naging media conference nila sa pelikula kasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 sa Noctos Music Bar, Quezon City noong Biyernes, Disyembre 5, sinabi niya medyo nagulat lang daw siya sa lumabas na balita tungkol kay Kim at kapatid nito.
“Nagulat? Medyo may gulat pero, of course, alam ko naman ’yong pinagdadaanan no’ng pamilya [ni Kim],” pagsisimula niya.
Paliwanag ni Angelica, hindi raw sila ganoong nagtatawagan agad kapag nalamang may problema ang isang kaibigan dahil ayaw niyang maramdamang nakiki-tsika lamang.
“Hindi kasi kami ganoon na kapag may nangyayari, super call… ayaw kong maramdaman niya na nakiki-tsismis ako,” aniya.
Dagdag pa niya, “Alam mo ‘yon, habang mataas [ang] emosyon ng lahat, baka mamaya iba ‘yong ma-interpret niya.”
Pagpapatuloy pa ni Angelica, alam naman daw ni Kim na nandoon lang siya para kung sakaling kailanganin siya nito.
“So alam naman niya na nandito lang ako. Anytime na kailangan niya ng kausap, ganoon naman kami [at] ‘yong samahan namin,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagsampa ng kaso si Kim laban sa kapatid niyang si Lakambini Chiu dahil sa isyu ng umano’y financial discrepancies sa negosyo noong Martes, Disyembre 2, kung saan tumungo umano si Kim sa Office of the Assistant City Prosecutor sa Quezon City kasama ang legal counsels niyang sina Xylene Dolor at Achernar Gregana.
MAKI-BALITA: Kim Chiu, kinasuhan ang sisteret!
Ito ay para isumite ang kaniyang sworn statement kabilang na ang mga ebidensya at iba pang dokumento kaugnay sa kaso.
Samantala, mas pinili naman ng legal counsel ni Kim na hindi na banggitin pa kung aling negosyo nina Kim at Lakambini ang nagkaroon ng isyu ng financial discrepancies.
MAKI-BALITA: Feng shui expert, nahulaang magagantso si Kim Chiu?
MAKI-BALITA: Dating iniyakan, ngayon ay kinasuhan! Anyare sa mag-utol na Kim at Lakam Chiu?
Mc Vincent Mirabuna/Balita