Naitala ng City Health Office (CHO) ang 85 bagong kaso ng HIV sa General Santos City mula Enero hanggang Oktubre 2025, na muling nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng impeksiyon.
Batay sa surveillance data, nananatiling pinakaapektado ang age bracket na 15–24 taong gulang, bagay na iniuugnay sa tumataas na mga peligrosong sexual behaviors at kakulangan ng kaalaman tungkol sa ligtas na pakikipagtalik sa hanay ng kabataan.
Ayon kay Assistant Department Head Dr. Karl Igrobay, patuloy na pinalalakas ng CHO ang mga kampanya sa edukasyon at community outreach programs upang mapataas ang kamalayan, mabasag ang stigma, at mahikayat ang maagang pagpapasuri.
Kumpirmado niyang nananatiling pangunahing mode of transmission ang pakikipagtalik, lalo na ang unprotected sex.
Sa 85 kaso, 80 ay kalalakihan habang lima namang kababaihan ang nagpositibo, kabilang ang isang buntis. Nagpahayag ng pag-aalala ang mga health official sa datos na ito at binigyang-diin ang pangangailangang maabot ang mga kababaihan, kabataan, at mga buntis sa mga susunod na interbensiyon.
Muling iginiit ni Dr. Igrobay na libre ang HIV testing sa CHO para sa mga indibidwal na nagnanais magpasuri. Sinabi rin niyang aktibong namamahagi ang tanggapan ng libreng condom upang makatulong sa pag-iwas sa impeksiyon.
Nanawagan ang CHO sa mga residente na magsagawa ng safe sex, magpa-test nang regular, at makilahok sa mga aktibidad hinggil sa HIV awareness. Hinimok din nito ang mga magulang at mga paaralan na palakasin ang talakayan tungkol sa sexual responsibility at kaalaman sa kalusugan.
Tiniyak naman ng mga awtoridad sa kalusugan na nananatiling abot-kamay ang mga serbisyo para sa prevention, maagang pagsusuri, at treatment support, at binigyang-diin na ang HIV ay manageable kung natutukoy nang maaga.
Patuloy ding pinalalawak ng lungsod ang mga information campaign upang mapabagal ang hawaan at mabawasan ang stigma kaugnay ng HIV sa General Santos City.