Nasagip ng mga rescuers ang isang pusang na-trap ng halos isang linggo sa isang gumuhong gusali bunsod ng matinding pagbaha.
Ayon sa mga awtoridad ng Indonesia, himala pang nakaligtas ang nasabing pusa na nananatili lamang sa mga debris sa loob ng gumuhong gusali, na sinabayan pa ng matinding pagbaha at landslide na kumitil sa mahigit 800 katao sa Indonesia.
Paliwanag ng may-ari ng na pusa, nasa edad isang taong gulang ang nasagip na pusa na may pangalang "Chubby." Kasama umano ni Chubby ang 13 pa nilang mga alagang pusa na kanilang iniwan sa loob ng bahay matapos silang lumikas bunsod pa rin ng malawakang pagbaha sa kanilang lugar.
Samantala hindi pa tukoy kung may mga nasawi o nakaligtas ang iba pang alagang pusa ng amo ni Chubby.
Patuloy ang rescue operations ng mga awtoridad sa Indonesia bunsod ng patuloy na pag-akyat ng bilang ng mga nasawi kung saan nasa 463 katao pa ang napaulat na nawawala.
Ayon sa Indonesian disaster agency, patuloy din ang pamamahagi nila ng tulong sa iba't ibang paraan ng transportasyon bunsod ng pahirapang pagpunta sa ilang mga lugar dahil sa mga gumuhong daan at nagkalat na debris.