Nanawagan ang Palasyo sa transport group na MANIBELA kaugnay sa ikakasa nitong tatlong araw na nationwide transport strike mula Disyembre 9 hanggang 11, 2025, bilang protesta laban sa mga umano'y labis na multa at mabagal na serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno.
MAKI-BALITA: MANIBELA, iraratsada 3 araw na kilos-protesta
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Disyembre 5, personal siyang nanawagan sa nasabing grupo na pamasko na raw sa mga pasahero na maresolba agad at mapag-usapan ang mga hinaing nila.
“Tayo na rin po ang mananawagan sa grupo ng MANIBELA, alam naman po natin Christmas season, baka naman po puwedeng ipamasko n’yo na,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Mapag-usapan kung anoman po ‘yong mga hinaing nila. Pag-usapan para maresolba agad.”
Samantala, nauna na ring ipahayag ni Castro na nag-utos na raw sila sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na bigyang-pansin ang hinaing na MANIBELA.
“Ipinag-utos naman po sa pamunuan ng DOTr, tingnan po mabuti kung ano ang hinaing grupong Manibela,” aniya.
“Kinakailangan din po rin itong maresolba. Kung mayroon naman talagang batayan ang kanilang reklamo, dapat po itong masolusyunan kaagad,” paliwanag pa ni Castro.
Matatandaang ipinahayag ni Mar Valbuena, tagapangulo ng MANIBELA, sa isang press conference noong Huwebes, Disyembre 4, ang plano nilang tatlong araw na tigil-pasada para ikasa ang kanilang kilos-protesta.
MAKI-BALITA: MANIBELA, iraratsada 3 araw na kilos-protesta
Ayon kay Valbuena, patuloy na pinapalakas ng mga awtoridad ang kahilingan sa mga driver at operator ng hindi consolidated na pampasaherong sasakyan (PUV) na kumuha ng mga provisional authority.
“Alam naman ninyo na hindi consolidated itong grupo. Tatanungin niyo pa ng mga provisional authority at kung ano-ano,” ani Valbuena.
Ang Public Transport Modernization Program (PTMP), na nagsimula noong 2017, ay layong palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na may Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon. Nais din nitong palitan ang mga yunit na hindi na maituturing na ligtas para sa kalsada.
Ang presyo ng isang modernong jeepney unit ay higit sa ₱2 milyon, isang halaga na sinabi ng mga state-run na bangko tulad ng LandBank at Development Bank of the Philippines na masyadong mataas para sa mga PUV driver at operator.
Ang unang hakbang ng PTMP ay ang pag-konsolidasyon ng mga indibidwal na prangkisa ng PUV sa mga kooperatiba o korporasyon.
Mc Vincent Mirabuna/Balita