Kabilang sa magiging bagong engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang anak ng kamakailang nag-viral na jeepney driver na nagbigay ng libreng sakay matapos pumasa ang anak sa Civil Engineering Licensure Exam.
MAKI-BALITA: 'Libre-sakay' ng tatay na jeepney driver dahil sa anak na board passer, pinusuan
Sa social media post ng DPWH nitong Biyernes, Disyembre 5, makikita na lubos ang naging pagpupugay ni DPWH Sec. Vince Dizon sa batang Civil Engineer na si Dave Rusty Recososa at ama nito na si Edwin Recososa.
“Nakakapanlambot ng puso ‘yong ginawa ni Tatay Edwin na nilibre niya ng pamasahe ‘yong mga pasahero for one day, noong pumasa ng board si Dave. Mahirap ‘yon ah, ‘yong walang kita ng isang araw. Doon mo talaga makikita ‘yong pagmamahal at pride ng isang tatay na ‘yong anak na pinaghirapan ng pag-aaral, ay nakapagtapos, engineer pa man din,” saad ni Dizon.
Masaya ring binanggit ng Kalihim na ang mga batang engineer katulad ni Dave ang pag-asa na maibalik ang tiwala ng publiko sa DPWH.
“Gayahin niyo si Dave, magtrabaho kayo sa gobyerno. Kasi kung tayo, mawawala na ng gana, magagalit, at wala tayong gagawin, walang mangyayari, hindi magbabago,” mensahe ni Dizon sa kabataan, na fresh graduate rin katulad ni Dave.
“Pero kung gagayahin natin ‘yong ginawa ni Dave at Tatay Edwin, na kahit puwede naman siyang magtrabaho sa private, pinili pa rin niya na magtrabaho sa gobyerno, ibig sabihin noon, may tiwala sila na puwede pa tayong magbago at may pag-asa pa tayo,” dagdag pa niya.
Dahil dito, isa si Dave sa mga magiging bagong empleyado na pupunan ang mahigit-kumulang 2,000 job vacancies ng DPWH sa buong bansa.
MAKI-BALITA: ‘Baka ikaw na ang hanap!’ Higit 2,000 posisyon sa DPWH, bukas sa mga aplikante
Matatandaang, nagpa-”libre sakay” si Edwin sa mga pasahero niya noong Lunes, Disyembre 1, bilang pasasalamat sa pagpasa ni Dave sa November 2025 Civil Engineer Licensure Examination.
MAKI-BALITA: 'Libre-sakay' ng tatay na jeepney driver dahil sa anak na board passer, pinusuan
Sean Antonio/BALITA