Nakatakda raw panagutin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang mga sangkot kaugnay sa natuklasan ng Office of the Ombudsman sa “ghost project” sa Davao Occidental.
Ayon sa bagong video statement na inilabas ng Pangulo sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Disyembre 5, ibinalita niya sa publiko ang ang natuklasan nilang hindi nagsimulang flood-control project sa Culaman, Jose Abad Santos sa Davao Occidental.
“Nais kong ilahad sa inyo ang mga natuklasan ng Office of the Ombudsman kaugnay sa reklamo ng DPWH ukol sa isang flood control project Culaman, Jose Abad Santos sa Davao Occidental,” pagsisimula niya,
Anang Pangulo, aabot daw sa ₱100 milyon ang ipinagkaloob na budget noon sa St. Timothy Construction Corporation ngunit hindi kailanman nasimulan at natapos ang nasabing proyekto.
“Ito ay may halaga na halos ₱100 milyon at ipinagkaloob noong [January 13], 2022 sa St. Timothy Construction Corporation. Ayon sa imbestigasyon, ang proyektong ito na sinasabing natapos noong 2022 ay hindi kailanman nasimulan,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “Sa inspeksyon ng CIDG noong [September 25], 2025, natukoy na walang anomang konstruksyon sa lugar na ‘yon. Kinumpirma ng mga indigenous people at barangay officials sa kanilang joint affidavit na walang naganap na implementasyon ng mga proyekto.”
Pagpapatuloy pa ni PBBM, lumalabas daw na peke ang mga dokumento, certificate, at inspection report na ibinigay ng mga nasabing sangkot para pabulaanan ang proyekto.
“Natuklasan ng Ombudsman [na] ‘yong mga isinumiteng final billing, certificate of completion, at inspection report at palsipikado o hindi tumutugma sa aktwal na kalagayan ng proyekto. Maging video at larawan at hinarap ng respondent ay walang time stamp at hindi ma-validate na tumutukoy sa proyektong ito,” saad niya.
Ani PBBM, mayroong mga pribado at kilalang mga indibidwal ang sangkot sa nasabing anomalya sa proyekto kabilang na sina Sarah Discaya, Maria Roma Angeline D. Rimando, at iba pa.
“May mga private at public na indibidwal na pinangalanan sa reklamo na kinabibilangan ng St. Timothy, si Cezarah Rowena Discaya at Maria Roma Angeline D. Rimando. Mayroon pang mga ibang nasa ahensya ng DPWH na nasama rin sa kasong ito,” pagbabanggit ng Pangulo.
Ayon pa kay PBBM, nagdulot daw ng undue injury sa gobyerno at unwarranted benefits sa mga contractor ang manifest partiality, bad faith, at gross negligence na kinilos ng mga sangkot sa nasabing anomalya.
Pagdidiin pa ng Pangulo, mayroon din daw kinalaman ang ilang mga pribadong indibidwal sa nasabing anomlya ngunit hindi na siya nagbigay ng pagkakakilanlan ng mga iyon.
Samantala, nagrekomenda na raw ang Office of the Ombudsman ng pagsasampang ng mga kasong malversation through falsification at paglabag sa RA 3019 Section 3(e) laban sa mga dawit sa ghost project.
Sa pamamagitan nito, non-bailable o hindi makakapagpiyansa ang mga sangkot sa nasabing anomalya.
Inaasahan umanong maglalabas ng warrant of arrest ang Judiciary sakali mang masampahan na ng kaso ang sangkot na indibidwal at ipinag-utos din ni PBBM sa law enforcement na tiyakin ang kinaroroonan nina Discaya para madali na lang daw itong masilbihan ng warrant.
Nagawa namang mangako ng Pangulo na umpisa pa lang daw iyon at marami pa ang magdiriwang ng Pasko sa loob ng piitan.
“Umpisa pa lang ito. Marami pa tayong ipapakulong at marami pang magpapasko sa kulungan,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: 'It has taken too much of the space!' PBBM, humingi ng tulong sa media labanan 'fake news'
MAKI-BALITA: 'Makatarungang sahod at suporta!' PBBM, itataas suweldo ng military and uniformed personnel
Mc Vincent Mirabuna/Balita