Maraming overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng kanilang mga passport sa malaking sunog sa hilagang distrito ng Tai Po sa Hong Kong ang nangangambang hindi sila makakauwi para sa bakasyon sa paparating na kapaskuhan.
Kinumpirma ni Consul General Romulo Victor Israel Jr. ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na ilang OFW ang nawalan ng passport habang nagbababaan mula sa high-rise apartment complex sa Wang Fuk Court noong nakaraang linggo.
“Naiwan ang passport sa apartment buildings dahil hindi nila ito palaging dala, hindi tulad ng Hong Kong ID… May ilan na naka-schedule na ang bakasyon pero nasunugan ng passport. Sisiguraduhin naming makakakuha ng panibagong passport ang mga nawalan,” sinabi niya sa isang panayam sa DZMM nitong Biyernes, Disyembre 5, 2025.
Umabot 62 OFW ang naapektuhan sa sunog, habang hindi bababa sa 159 katao ang nasawi sa kabuuang tala.
Isang OFW din ang nasawi habang isa pa ang nananatili sa ospital, ayon kay Israel.
Ayon sa Philippine Consulate General, binago nila ang bilang ng mga apektadong OFW mula sa naunang 94 matapos malaman na may ilang Pilipino na lumipat na ng tirahan at trabaho.
Nagsimula na ring mamahagi ng tulong pinansyal ang mga awtoridad ng Pilipinas sa mga apektadong OFW noong Sabado, Nobyembre 29.
Samantala, pinuri ni Israel ang isang “bayani na OFW” na iniulat na nanatili sa kanyang amo at 3-buwang gulang na sanggol sa gitna ng sunog.
“Ang mismong katotohanang hindi niya iniwan ang employer na babae at ang sanggol ay isang kabayanihan,” aniya.
“Para sa akin, isa siyang bayani.”