December 13, 2025

Home BALITA National

'Hintay-hintay lang!' ICC, may tinatapos lang saka isisilbi arrest warrant kay Sen. Bato—Ombudsman Remulla

'Hintay-hintay lang!' ICC, may tinatapos lang saka isisilbi arrest warrant kay Sen. Bato—Ombudsman Remulla
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Muling nagbigay ng pahayag si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa warrant of arrest diumano ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa. 

Ayon sa naging panayam ng Unang Hirit kay Remulla nitong Biyernes, Disyembre 5, nabanggit niya ang hindi ngayon pagpapakita ni Dela Rosa sa publiko matapos pumutok ang mga balitang warrant of arrest sa kaniya ng ICC. 

“Doon ako nagtataka kasi alam mo naman ang trabaho ko, accountability,” pagsisimula niya. 

Ani Remulla, inabiso raw sa kaniya ang isiniwalat niya noong balita kaugnay sa warrant of arrest ng ICC dahil na rin sa trabaho niyang bigyan ng accountability ang mga public officers bilang Ombudsman. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Dagdag pa niya, kopya lamang ng nasabing warrant ang mayroon siya at dapat dumaan ang orihinal na utos ng ICC sa executive department sa bansa imbis umano sa kaniya. 

“Accountability of public officers po ang trabaho ng Ombudsman kaya ‘yan po’y inabiso sa akin kaya lang hindi ako binibigyan ng kopya kasi ‘yan po ay dapat sa executive department dadaan hindi po sa akin,” aniya. 

Pagpapatuloy naman ni Remulla, hintay-hintay lang daw at depende sa ICC kung kailan umano nito maisisilbi ang warrant of arrest sa naturang senador. 

“Hindi ko po alam kasi depende ‘yon sa ICC at niliwanag ko na ‘yan sa mga kumakausap sa ICC at ang sabi nga sa akin ay hintay-hintay lang sapagkat mayroong lang silang tinatapos upang puwede nang i-serve ang warrant,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nauna nang sinabi ni Remulla na naglabas umano ang ICC ng warrant laban kay Dela Rosa at mayroon siyang hindi opisyal na kopya nito.

KAUGNAY NA BALITA: Ombudsman Remulla sa ICC warrant of arrest kay Sen. Bato: 'Abangan. Be patient'

Sinabi naman ng Department of Justice (DOJ) na ipatutupad ng pamahalaan ang warrant sakaling opisyal itong ilabas ng ICC, at maaaring pagdesisyunan ng gobyerno kung ie-extradite o isusuko si Dela Rosa sa korte internasyonal.

Giit naman ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, walang legal na batayan ang gobyerno para isuko ang sinumang Pilipino sa isang international tribunal dahil wala umanong umiiral na panuntunan ukol dito.

MAKI-BALITA: Sen. Bato, kayang arestuhin 'pag lumabas na arrest warrant—DILG Sec. Remulla

MAKI-BALITA: 'Tagu-taguan?' Sen. Bato, binirong i-break record ni Sen. Lacson sa pagtatago

Mc Vincent Mirabuna/Balita