Nagbigay ng pahayag ang Malacañang hinggil sa pagsipot ni Ilocos Norte 1st District Rep. at House Majority Leader Sandro Marcos sa isinagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa bansa noong Huwebes, Disyembre 4.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Disyembre 5, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi tulad ng iba, nakipagtulungan si Rep. Sandro sa naturang imbestigasyon.
“Unang-una bilang magulang, makikita natin kung papaano ba pinalaki ng mga magulang ang isang anak. Disente, hindi takot, matapang na humarap sa imbestigasyon, hindi nagtago, nagboluntaryo pa, kilala ang ICI, hindi tulad ng iba. So doon pa lang po bilang magulang ay proud sila sa kanilang anak,” saad ni Castro.
Sinagot din ng press officer ang tanong hinggil sa pagkagulat ni Rep. Sandro matapos dumalo sa imbestigasyon ng ICI.
“Nagulat? Siguro, hindi po ako [...] sa naganap na hearing. So hindi natin alam kung ano ang ikinagulat ni [Rep. Sandro Marcos]. Nagulat ba siya sa bagong facts? Nagulat ba siya sa bagong data na malamang ay hindi niya alam? So, I cannot speculate on that,” sambit ng press officer.
Sa usapin ng imbestigasyon ng ICI, nagbigay din ng komento si Castro sa parehong press briefing hinggil naman sa pagtanggi ni Davao 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa imbitasyon ng naturang komisyon.
“May kasabihan tayo, ‘buntot niya, hila niya.’ It means, you are responsible for the consequences of your own acts. Marami na pong mga mambabatas na gumalang sa pagpapatawag ng ICI. Nagbigay ng kanilang mga response, ng kanilang mga nalalaman, at kung walang itinatago, ‘di dapat magtago,” saad niya.
MAKI-BALITA: 'Buntot niya, hila niya!' Pulong, 'di kailangang magtago kung walang tinatago—Usec. Castro-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA