Pumalag si Department of National Defense (DND) Spokesperson Asec. Arsenio Andolong hinggil sa mga bumabatikos sa iniutos na “base pay increase” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa military and uniformed personnel (MUP) ng bansa.
Sa ambush interview ng media kay Andolong nitong Biyernes, Disyembre 5, nilinaw niyang hindi suhol ang naturang umento sa sahod.
“Bakit naman nila iisiping suhol ito? Napakahirap ng kanilang trabaho,” saad ni Andolong.
Kinuwestiyon din ng tagapagsalita ng DND kung nasaan na nga ba ang malasakit ng mga tao para sa aniya’y pumoprotekta sa Pilipinas.
“Nasaan ‘yong malasakit natin para sa mga dumedepensa sa ating taumbayan saka soberanya?” pagkuwestiyon niya.
Matatandaang iniutos ni PBBM kamakailan ang pagpapataas sa sahod ng mga MUP sa bansa, bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa serbisyo sa bayan—na ipatutupad sa unang araw ng 2026, 2027, at 2028.
“Bilang pagkilala sa inyong walang sawang paglilingkod, dedikasyon, at husay ating itataas ang base pay ng MUP. Kasama rito ang lahat ng military at uniformed personnel mula sa Department of National Defense (DND), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BOC), at National Mapping and Resource Information Authority,” saad ni PBBM sa isang video statement.
MAKI-BALITA: 'Makatarungang sahod at suporta!' PBBM, itataas suweldo ng military and uniformed personnel-Balita
Kaugnay nito, naglabas naman ng pahayag ang Palasyo hinggil sa mga anila’y kumukuwestiyon sa pagsuporta ng Pangulo sa kasundaluhan.
“Hangga’t may oras po ang Pangulo, hindi po ito dapat kinukuwestiyon. Ang pagbisita sa ating mga kasundaluhan, sa mga uniformed personnel ay nararapat lamang po bilang Commander-in-Chief. So, wala po itong kinalaman kung mayroon mang isyu ngayon, obligasyon po ng Pangulo na bisitahin sila,” saad ni Palace Press Officer Claire Castro sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Disyembre 5.
MAKI-BALITA: Pagsuporta ni PBBM sa MUP, 'di dapat kuwestiyunin—Usec. Castro-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA
‘Hindi ito suhol!’ DND, binuweltahan kritiko ng ‘base pay increase’ para sa mga MUP
Photo courtesy: DND, via Balita