Nagbigay ng reaksiyon ang Malacañang kaugnay sa pagbitiw ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio “Babes” Singson bilang miyembro ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa isingawang press briefing nitong Biyernes, Disyembre 5, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro na pinakiusapan umano ni DPWH Sec. Vince Dizon si Singson na manatili sa posisyon dahil sa husay nito.
“Napag-alaman naman din po na dahil sa kaniyang concern sa kalusugan ay nagpasabi na po siya sa kaniyang pagbibitiw,” saad ni Castro matapos tanungin higgil dito.
Dagdag pa niya, “[D]ahil nga po magaling si Sec. Babes Singson, pinakiusapan po sa pamamagitan ni Sec. Vince na kung maaari, manatili pa siya. At dahil nga, muli, may concern po si Sec. Babes. Iginagalang po ‘yan ng ating Pangulo.”
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin ang Palasyo sa serbisyong ibinigay ni Singson sa ICI sa loob ng maikling panahon.
Matatandaang noong Disyembre 3 ay kinumpirma ni ICI chairperson Andres Reyes, Jr. ang resignation ni Singson dahil sa umano’y stressful work sa komisyon.