Napagdesisyunan ng Land Transportation Office (LTO) na i-revoke ang lisensya ng isang vlogger nang hindi ito sumipot sa kanilang tanggapin matapos padalhan ng Show Cause Order.
Ayon sa inilabas a press report ng LTO sa kanilang Facebook page nitong Biyernes, Disyembre 5, sinabi nilang hindi raw sumipot sa itinakdang pagdinig ang naturang vlogger sa LTO- Intelligence and Investigation Division (IID) upang bigyan sana ito ng pagkakataong depensahan ang sarili.
“[H]indi sumipot ang naturang vlogger sa itinakdang hearing ng LTO- Intelligence and Investigation Division (IID) upang magsumite ng kaniyang verified comment/explanation para ipaliwanag ang panig nito kung bakit hindi siya dapat patawan ng mga kasong paglabag sa Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, Mandatory Use of Seatbelt, Distracted Driving, Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle,” paliwanag nila.
Dahil umano sa pagbabalewalang ito ng hindi nilang pinangalanang vlogger, tuluyang ni-revoke ng LTO ang lisensya niya at mananatiling naka-alarma ang Ford Expedition nito habang hindi pa sumasailalim sa kumpletong roadworthiness inspection sa LTO Motor Vehicle Inspection Facility.
Kaugnay nito ang nauna nang naging press release ng LTO sa inisyu nilang Show Cause Order sa nasabing vlogger matapos kumalat sa social media ang isang video niya na nagpapakita ng ilang paglabag sa batas-trapiko.
“Sa naturang viral na video, makikitang minamaneho ng vlogger ang sasakyan gamit ang pekeng plaka, hindi nakasuot ang seatbelt at gumagamit ng mobile phone habang nagmamaneho. Ang mga paglabag na ito ay itinuturing na distracted driving at nagsapanganib sa ibang motorista,” mababasa sa nauna nang post ng LTO noong Huwebes, Disyembre 4, 2025.
Samantala, kasalukuyan nang burado ngayon ang naturang video ng nasabing vlogger habang nagmamaneho na tinutukoy ng LTO.
MAKI-BALITA: 'Karamihan, walang mga rehistro!' 30 luxury cars, na-impound sa LTO
MAKI-BALITA: 'Hindi bawal sports car pero dapat maayos papeles!'—LTO
Mc Vincent Mirabuna/Balita