Hindi pa raw maaaring makumpirma ng Palasyo ang tila bantang pagtigil na ng operasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa press briefing ni Presidential Communication Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Biyernes, Disyembre 5, 2025 iginiit niyang hindi pa raw napag-usapan sa Malacañang ang umuugong na mga ulat sa estado ng ICI.
“Hindi po ako makakasagot patungkol po diyan at hindi pa rin po namin napag-uusapan” ani Castro.
Hinggil naman sa usap-usapang ang Office of the Ombudsman ang nakatakdang sumalo sa mga imbestigasyon ng ICI, pahapyaw na sagot ni Castro, “But since nga po, nandiyan naman din po ang Ombudsman, at napaka-active din po nila patungkol po sa usapin na maanomalyang flood control projects, maaari pong maging ganon.”
Dagdag pa niya, “Pero as of now wala pa po tayong detalye kung ano man po ang update patungkol diyan.”
Matatandaang nitong Biyernes din nang ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tila nasa isa hanggang dalawang buwan na lamang daw ang itatagal ng operasyon ng ICI bago tuluyang mapunta sa kanila ang mga trabaho nito.
"Tingin ko mga isa, dalawang buwan na lang 'yan [ICI], at maaari nang i-turnover sa amin ang kanilang mga trinabaho" ani Ombudsman Remulla.
Dagdag pa ni Remulla, hindi naman daw talaga pang-habang buhay ang operasyon ng ICI.
Yun ang direksyon niyan, kasi hindi naman forever ang ICI at meron namang batas na nag-create ng Office of the Ombudsman na ngayon ay very active kami," ani Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Bilang na mga araw? Trabaho ng ICI, pwede na ipasa sa Ombudsman matapos ang 2 buwan—Remulla